Mafia

Chinese Mafia sa PH nakakaalarma

April 7, 2024 PS Jun M. Sarmiento 96 views

Sindikato namimigay ng pekeng gov ‘t IDs, genuine passports

NAALARMA si Sen. Nancy Binay nang mabuking ang mga pekeng ID ng ilang dayuhang Intsik kamakailan, at nanawagan siya sa Philippine Retirement Authority (PRA) na paigtingin ang tamang screening at mag-verify ng visa applications, matapos malathala ang diumano’y matinding operasyon ng mga “Chinese mafia” sa bansa na gumagamit ng mga pekeng passport na may pekeng special resident retiree visa (SRRV).

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na apat na nahuling Chinese nationals ay suspek sa paglaganap ng mga pekeng government-issued ID at ilang dokumento, pati genuine Philippine passports, na iniisyu sa mga dayuhang Intsik na may kasamang diumano’y pekeng SRRVs.

“Nakakabahala talaga since these foreign nationals enter and exit the country using valid documents that we know were obtained through illicit ways. We expect NICA to help assess the scale of fraud perpetrated by these syndicates, and check the addresses and contact numbers provided in their ‘valid’ documents,” ani Binay.

Para kay Binay, hindi simpleng bagay ang pagbibigay at renewal ng mga SRRV na ginagamit ng ilang sindikato na Tsino para libreng makakilos sa bansa, kasabuwat ang ilang ahensiya ng gobyerno na aniya’y banta sa seguridad ng bansa.

“Visa fraud and fake identities adversely impact national security. What’s largely alarming is the PRA policy of allowing Chinese SRRV applicants who are 35 years old, which can be categorized as ‘soldier’s age’. Dapat merong security measures at dapat higpitan ang vetting process ng mga applications, regardless of nationality,” ani Binay.

Noong 2023, hinuli ng National Bureau of Investigation ang isang mataas na PRA official matapos mag-isyu ng unwarranted SRRV cards sa ilang dayuhan, partikular sa mga Tsino.

Inamin din ng BI na ilan sa mga kasong kasalukuyang nakabinbin sa kanila ay ang mga foreign nationals na nagpapanggap na Pilipino gamit ang iba-ibang Philippine documents at genuine immigration stamps na siyang nagbibigay sa kanila ng lehitimong karapatan na makapag-operate sa bansa.

“Nakailang beses na po nating binabanggit ang tungkol sa mga POGO workers who reportedly happen to be SRRV holders. Pero ang mas nakakaalarma ay itong naarestong apat na Chinese nationals na naka-retirees visa sa Pilipinas,” pagbubulgar ni Binay.

Base sa PRA records, may 78,000 foreign retirees sa PIlipinas at 30,000 Chinese “retirees” ang pinayagan na magkaroon ng permanent status para makatira sa bansa.

“The growing number of interceptions of Chinese nationals presenting authentic government-issued Philippine documents identifying them as Filipino traders or retirees has now become a national security concern. Ano ba ang monitoring mechanism ng PRA to check if these ‘retirees’ together with those who pose as ‘investor-class immigrants’ are really legit,” ani Binay.

Hinamon ni Binay na kumilos ang lahat ng sangay ng gobyerno upang alamin kung sino ang mga nasa likod ng nasabing sindikato, pati na rin ang mga kasabuwat ng mga ito.

Sinabi niya na dapat malaman kung bakit nakakakuha ng mga Philippine government ID, pati genuine visa at passport, ang mga Tsino na nagbibigay sa kanila ng kalayaang magsagawa ng kanilang mga illegal activities sa bansa.