Default Thumbnail

CCTV operator tiklo sa ‘rape’ sa Taguig

December 2, 2022 Jonjon Reyes 301 views

HIMAS-rehas ngayon ang isang 41-anyos na binate makaraang isilbe ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Sta. Ana Police Station (PS) 6 ang arrest warrant nito dahil sa kasong rape at sexual assault, nang masundan at maaresto ito sa Taguig City, Huwebes ng gabi.

Ang suspek ay isa umanong CCTV (closed-circuit television) camera operator at residente ng Punta Sta. Ana sa Maynila.

Ayon kay Police Lt. Col. Orlando Mirando Jr., commander ng Sta Ana PS 6, pasado alas 9:30 ng gabi (Disyembre 1), nang matunton ang suspek sa isang opisina ng kumpanya sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Naaresto ang suspek sa ginawang surveillance ng mga pulis-Maynila at karagdagang impormasyon na ibinahagi rin ng kamag-anak ng biktima.

Ang warrant of arrest ay inisyu ni Presiding Judge Lyn Llamasares Gonzales ng Regional Trial Court (RTC) Branch 78 ng Malolos City, Bulacan na may piyansang P120,000.
Pinangunahan ang operasyon ni P/Maj. Geuel Gapuz, hepe ng Intelligence Section at P/Lt. Renato Ramento ng Warrant Section nang magtungo ito sa Taguig City.

Ang suspek ay kabilang din sa top 4 “most wanted person” (station level) sa Sta. Ana, Maynila.

Ayon kay Mirando Jr., mahigpit nilang ipinatutupad ang “Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation” (SACLEO) batay sa direktiba ni MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon.

AUTHOR PROFILE