Default Thumbnail

MC rider dedo matapos sumalpok sa van sa Fairview

December 2, 2022 Melnie Ragasa-limena 261 views

PATAY ang isang lalaki nang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo nito sa isang passenger van sa Commonwealth Ave., sa Barangay Fairview, Quezon City, Huwebes ng gabi.

Ang biktima ay residente ng Maharlika Village sa Taguig City, na rider ng Suzuki motorcycle.

Agad namang naaresto ang suspek na driver ng Nissan Urvan na sangkot sa aksidente.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD), Traffic Sector 5, bandang 9:50 ng gabi (Disyembre 1), nang maganap ang aksidente sa Commonwealth Ave., corner Camaro St. Bgy. Fairview, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Jess M. Domigan ng Traffic Sector 5, binabaybay umano ng rider ang kahabaan ng Commonwealth habang ang suspek naman ay kumakaliwa sa Camaro St., sa nasabing barangay.

Dahil dito ay sumalpok ang motor ng biktima sa kanang bahagi ng sasakyan ng suspek at tumilapon ang rider ng ilang metro ang layo mula sa pinangyarihan ng aksidente.

Naisugod pa sa East Avenue Medical Center ang rider subalit binawian din ito ng buhay dakong 11:57 ng gabi, ayon kay Dr. Jessie Minsalve dahil sa grabeng pinsalang tinamo sa ulo.

Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa driver ng van.