Carmi walang pinagsisisihan sa naging buhay

June 15, 2022 Aster Amoyo 1058 views

TULAD nina Liz Alindogan at Anna Marie Gutierrez, ang actress-comedienne at interior decorator na si Carmi Martin ay na-discover sa isang fashion show sa Manila Hotel ng yumaong manager ng comedy king na si Dolphy na si Mang Conde Ubaldo in 1980. Ang tatlo ay bahagi noon ng Girard Peters group. At that time ay naghahanap umano si Dolphy ng mga bagong mukha para gawing leading ladies sa kanyang gagawing movie, ang “Dolphy’s Angels” kasama ang baguhan din noong si Yehlen Catral na naging Mutya ng Pilipinas at nagtapos with honors sa University of Santo Tomas.

Sa apat, si Carmi lamang ang nagtuluy-tuloy sa kanyang showbiz career habang si Liz ay pansamantalang tumigil at kamakailan lamang muling nagbalik. Si Anna ay kasalukuyang nasa New York, USA habang si Yehlen ay isa nang lawyer, married at naka-base din sa Amerika.

Aminado si Carmi na bago sumakabilang-buhay ang kanyang ama dahil sa cirrhosis of the liver at age 54, isa umano itong alcoholic kaya she was still in her teens nang magsimula siyang maghanap-buhay to help her family. Anim silang magkakapatid.

Ang kanyang pagiging bahagi ng “Dolphy’s Angels” ang naging pasaporte niya sa showbiz. For several years ay naging contract star umano siya ng RVQ Productions ni Dolphy. Napasama rin siya sa ilang movies na ginawa ng comedy king tulad ng “Stariray,” “The Quick Brown Fox,” “John en Marsha,” “Dancing Master,” “Dino Dinero,” ‘Father & Son” at iba pa. Although hindi na siya contract talent ng RVQ Productions, muli siyang napasama sa “Dobol Trobol” movie nina Dolphy at Vic Sotto in 2008.

“Malaki talaga ang naitulong sa career ko si Tito Dolphy,” pag-amin ni Carmina na isang devout Christian.

Tumatak nang husto si Carmina sa mga manonood sa telebisyon nang siya’y maging bahagi ng long-running sitcom noon, ang “Chicks to Chicks” on IBC-13 na pinagsamahan nila nina Freddie Webb, Nova Villa and the late Chito Arceo hanggang ipagpatuloy ito ng ABS-CBN at ginawang “Chika Chika Chicks”.

Hinding-hindi rin makakalimutan si Carmina sa kanilang weekly musical show ni Roderick Paulate, ang “Tonight with Dick and Carmi’ kung saan naman niya naipamalas ang kanyang galing sa pagkanta, pagsayaw at paghu-host. Nakagawa rin siya ng iba pang sitcoms tulad ng “Abangan ang Susunod na Kabanata” kung saan nagsimula ang kanilang pagiging magkaibigan ng writer, host at actress-comedienne na si Tessie Tomas who encouraged her na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.

Si Carmi ay nagtapos ng Interior Design sa Philippine School of Interior Design (PSID) na sinundan ng kanyang pagtatapos ng Fine Arts sa Philippine Women’s University (PWU). Pero hindi umano siya pumasa sa board exams ng Interior Design dahil hindi umano siya magaling mag-drawing kaya ang pagiging interior decorator ang isa niyang naging profession.

Si Carmi ay isang self-confessed Covid-19 survivor nung September 2020 kung kailan kasagsagan ng pandemya. Although isa siyang asymptomatic, pumasok siya sa isang facility kung saan siya nanatili sa loob ng 14 na araw plus 1. Sa halip na ma-bored sa loob ng facility, ginawa niya umano itong `honeymoon with the Lord’ dahil puro dasal ang ginawa niya sa not only for her own recovery kundi pati sa lahat ng mga taong kinapitan nito including one of her helpers.

“At that time, wala pa kasing bakuna kaya mas nakakatakot,” aniya.

“I just had to isolate myself dahil ayokong makahawa laluna na ang may edad kong nanay na kasama ko sa bahay,” patuloy pa niya.

Dapat sana’y may gagawing isang teleserye si Carmi pero nang siya’y magpositibo sa Covid-19 ay nawala siya sa proyektong `yun.

“Isa ako sa naniniwala na may dahilan ang lahat kung bakit ito nangyari dahil may ibang plano si Lord,” patuloy niya.

Aminado ang aktres that she’s happily single at 58 at isinurender na umano niya ang kanyang sarili at buhay sa Diyos.

Hindi rin niya ikinakaila na nagmahal siya noon ng ilang beses pero ang lahat ng ito’y nauwi sa hiwalayan. Pero all praises siya sa isa sa naging boyfriend niya noon, ang dating actor-turned businessman na si Apa Ongpin na nagmula sa isang prominenteng pamilya. Nagmahalan umano sila noon pero naging mahina ang kanyang loob na ipaglaban ang kanilang pag-iibigan dahil galing sa mayamang angkan si Apa kaya nagkahiwalay din sila eventually.

Walang pinagsisihan si Carmi sa kanyang mga past relationships dahil nagturo umano ito ng leksyon sa kanya na maging stronger, matatag at mas maging confident sa sarili.

Nagpapasalamat din ang actress-comedienne at interior decorator na hindi siya nawawalan ng trabaho hanggang ngayon. Katunayan, may dalawa siyang ongoing TV programs sa Kapuso network, ang weekly sitcom na “Happy ToGetHer” with John Lloyd Cruz at ang teleseryeng “Love You Stranger” na pinagbibidahan naman ng reel and real sweethearts na sina Gabbi Garcia at Khalil Ramos.

Ilan sa maituturing na real friends in showbiz ni Carmi include Coney Reyes, Tessie Tomas, Roderick Paulate, Gladys Reyes among others.

YilmazYilmaz1Yilmaz2Yilmaz3

Mga anak di makakasama ni Ruffa sa birthday

SUPER bonding ngayon sina Lorin at Venice Bektas hindi lamang sa kanilang Turkish businessman father na si Yilmaz Bektas kundi maging sa kanilang napakagandang half sister na si Ilknaz Lauren Bektas maging sa iba pa nilang mga kaanak sa Istanbul, Turkey.

Nangako ang panganay ni Ruffa sa kanyang ex-husband na si Yilmaz na ilalagay umano niya sa kanyang sariling vlog ang mga happenings nila ng younger sister niyang si Venice sa Istanbul.

Magmula nang dumating sa Istanbul ang magkapatid ay wala umanong araw na hindi nila kasama ang kanilang ama at kapatid na si Ilknas.

Sa recent post ni Ruffa sa kanyang Instagram account, nag-iwan siya ng mensaheng “Trust in God’s perfect timing. It took patience and a whole lot of faith, but everything was worth the wait.” Naglagay pa siya ng hashtags na #NewBeginnings #Peace #ReunitedAtLast.

Updated din si Ruffa sa mga nangyayari sa dalawa niyang anak. Next week, June 24 ay kaarawan ni Ruffa. Hindi man niya makakasama ang dalawang teen-age daughters, masaya siya para sa mga ito dahil alam niya kung gaano kasaya ang mga ito ngayon with their dad, sister and other relatives in Istanbul.,

Labinlimang taon bago niya pinayagan ang mga anak na makita ang kanilang ama, pero naniniwala siya ngayon sa perfect timing.

SUBSCRIBE, like and share and hit the bell icon of “TicTALK with Aster Amoyo” on my YouTube channel. Follow me on Instagram and Facebook@asteramoyo and Twitter@aster_amoyo.

AUTHOR PROFILE