PNP Ang isinagawang lecture sa stress management at mental health awareness. Larawan mula sa Batangas PNP PIO

BPPO nagsagawa ng lecture sa stress, mental health awareness

May 18, 2023 Jojo C. Magsombol 190 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Sinimulan ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) sa pangunguna ni Provincial Director Police Colonel Pedro D. Soliba ang pagsusulong ng “Stress Management and Mental Health Awareness” sa kapulisan ng Batangas upang maitaas ang kamalayan ng mga ito patungkol sa kalusugang pangkaisipan.

Katuwang ang Batangas Provincial Health Team sa pangunguna ng team leader nito na si P/Capt. Victorina I. Veroya at mga tauhan mula sa Neuro Psychiatry Section ng Regional Medical and Dental Unit 4A, isinagawa ang unang araw ng lecture ng naturang programa nitong Lunes, Mayo 15, sa BPPO Multi-Purpose Center, Camp General Miguel C. Malvar, Batangas City.

Sa naturang lecture ay ibinahagi ni P/Capt. Antonette S. Alino, psychometrician, ang mga bagay na maaaring pinagmumulan ng stress, ang kahalagahan ng pamamahala nito, paano ito papamahalaan, at bakit mahalaga ito lalo na sa mga uniformed personnel.

Binigyang diin din niya na nararapat lamang na magkaroon ng kamalayan sa ganitong bagay para baguhin ang mga pag-uugali, alisin ang stigma at diskriminasyon na nauugnay sa sakit sa isip, at magkaroon ng positibong pagtingin sa buhay sa kabila ng mga nararanasang suliranin.

Bagamat normal lamang ang makaranas ng stress, hindi aniya ito nakabubuti kung palaging stress at maaaring humantong sa mas malaking problema.

Nasa 80 pulis mula sa provincial headquarters ng BPPO ang lumahok sa unang araw na pagsasagawa ng lecture.

Hinikayat naman ni Alino ang mga ito na huwag mag-atubiling sila ay lapitan.

Nariyan lamang ang mga tauhan ng Neuro Psychiatry Section para sa kanila at handang makinig nang hindi sila hinuhusgahan at tutulungan silang harapin ang stress nang kalmado at positibo, ayon kay Alino.

“Lubos ang aming pasasalamat sa pagsasagawa ng ganitong gawain para sa ating kapulisan. Nagpapakita lamang ito ng malasakit para sa bawat isa upang magtulungan sa lahat ng bagay lalo na sa mga problemang kinakaharap ng bawat isa, (maging) ito man ay sa personal o sa trabaho. Ipinapaalala natin sa lahat na napakahalagang makipag-usap kapag nakaramdam ng pagkabalisa o hindi kayang harapin ang stress nang mag-isa dahil mayroon laging handang dumamay sa atin. Nariyan ang Poong Maykapal at hindi tayo papabayaan,” saad naman ni Soliba.

AUTHOR PROFILE