Default Thumbnail

Bonoan ‘wag biguin si Marcos

June 21, 2022 Mario Fetalino Jr. 240 views

Mario FetalinoDAPAT magsilbing isang malaking hamon kay incoming Public Works Secretary Manny Bonoan ang napakamaanumalyang pagkukumpuni ng Roxas Boulevard sa Pasay City.

Ayon sa report, isang ‘box culvert’ ang inaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nabanggit na pangunahing lansangan.

Ang box culvert ay isang istraktura na gawa sa simiento at hugis kahon upang magsilbing daluyan ng tubig sa ilalim ng lupa.

Nagsimula ang proyekto nuong Enero pa ngayong taon ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito natatapos ng DPWH.

Nagdudulot ng matinding trapik ang proyekto dahilan upang magreklamo ang mga biyahero na nangangalakal at naghahanapbuhay sa gitna ng pandemya.

Ang masamang lagay ng trapiko sa Metro Manila ang itinuturong dahilan kung bakit ayaw magnegosyo ng mga dayuhan sa ating bansa.

Ito rin ang sinasabing nasa likod ng pagkawala ng mga oportunidad upang kumita ang mga manggagawa at negosyante na nagsisilbing sagabal sa paglakas ng ekonomiya.

Madali namang matukoy ang dahilan kung bakit nagiging salot ang proyekto.

Sa kabila kasi ng pagiging isang major project, mabibilang sa daliri ang bilang ng mga manggagawa na nagkukumpuni sa kalsada.

Ang resulta? Umabot na sa kalahating taon ang itinagal ng proyekto na sinimulan pa sa termino ni Pangulong Duterte.

Uupo na ang bagong halal na pangulo na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. pero hanggang ngayon ay piniperwisyo pa rin ng DPWH project ang taumbayan.

Pinili ni Marcos si Bonoan upang pangunahan ang DPWH dahil sa kanyang paniwala na maitutuwid ng incoming Public Works official ang katiwalian sa nasabing ahensiya.

Umaasa naman tayo na hindi bibiguin ni Bonoan si Marcos.

Sa ating pagbabalik ay aalamin natin kung sino ang kontraktor ng nasabing proyekto.

**

Hindi naayos ni Transport Secretary Arthur Tugade ang Land Transportation Office (LTO) sa loob ng anim na taon.

Talamak pa rin sa LTO ang lagayan – ang sistema para makuha ng mga mamamayan ang tama at karapat-dapat na serbisyo.

Sana man lang ay naipamigay ng LTO ang mga plaka na matagal nang nakabinbin sa tanggapan nito kahit pa bayad na ang mga ito nuong panahon pa ni dating Transport Secretary Mar Roxas.

Magpahanggang ngayon ay nagdudulot ng aberya ang kawalan ng plaka sa mga may-ari ng sasakyan dahil nagiging mitsa ito ng dagdag korapsiyon sa hanay ng mga law enforcers sa lansangan.

Ipinagbabawal ang mga sasakyan na walang plaka na inisyu ng LTO. Ano naman ang magagawa kung inutil ang ahensiya at hindi nga makapag-isyu ng plaka?

Sa madaling salita, naiipit ang mga mamamayan na biktima ng kapalpakan ng LTO at ganid na mga law enforcers.

Wala pang napupusuan si Marcos na ilalagay sa Department of Transportation (DOTr).

Sana ay makapag-isip ng mabuti si Marcos kung sino ang kanyang ipupuwesto sa ahensiya na puno ng kawalanghiyaan.

Kailangan ng DOTr at ng LTO ng mga lider na tapat at handang umaksiyon sa mga reklamo ng mga mamamayan.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email [email protected]

AUTHOR PROFILE