Bong Go

Bong Go: Nalalabing seniors bakunahan na

February 13, 2022 People's Journal 795 views

MULING iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang apela sa national government at local government units na paigtingin ang pagpapalabas ng mga bakuna para sa mga hindi pa nabakunahang senior citizen.

“Bagama’t hindi mandatory ang vaccination laban sa COVID-19 at hindi pwedeng pilitin ang mga tao, hikayatin pa rin natin ang mga hindi pa bakunado na magpabakuna na dahil maiiwasan natin ang malubhang sakit o maging kamatayan dahil sa COVID-19. Ilapit na natin sa kanila ang bakuna at ipaintindi natin nang mabuti,” ani Go.

Hinimok ni Go ang mga LGU na paigtingin ang kanilang house-to-house operations para mabakunahan ang mga priority group, partikular ang mga senior citizen na nahihirapang lumabas ng kanilang mga tahanan.

“Ang panawagan ko po sa mga LGUs na suyurin po. Kasi ‘yung mga senior citizens natin hindi nakakalabas, takot pong lumabas, takot mag-travel po papunta sa vaccination center,” sabi ni Go.

“Dapat po, pwede bang maaaring ibahay-bahay n’yo na po, puntahan ng LGUs ‘yung pamamahay ng mga senior citizen na gustong magpabakuna,” dagdag niya.

Si Dr. Rajendra Prasad Yadav, kinatawan ng World Health Organization sa Pilipinas, ay nagpahayag kamakailan ng pagkabahala na higit sa 2.5 milyong senior citizen ang hindi pa nakatatanggap ng isang dosis ng bakunang COVID-19.

“Ang pagbabakuna sa mga matatandang ito ay isa sa mga epektibong paraan upang mailigtas ang mga buhay sa panahon ng pandemyang ito,” aniya.

Pagkatapos ay umapela si Yadav sa mga LGU na pabakunahan ang kanilang mga nasasakupan, partikular na ang mga matatanda at mga may co-morbidities.

Si Go, sa kanyang bahagi, ay patuloy sa pagpapaalala sa publiko na huwag matakot sa mga bakuna kundi sa virus mismo, at ito ang tanging paraan upang maprotektahan ang kanilang sarili, kanilang mga pamilya, at mga komunidad mula sa COVID-19.

“Nananawagan po ako sa mga kababayan natin na magtiwala ho kayo sa bakuna, huwag ho kayong matakot sa bakuna. Sa mga senior citizens po magpabakuna na kayo, part po kayo ng priority list. Marami pa pong dapat balikan ang ating gobyerno, lalo na po sa senior citizen,” ani Go.

Nauna rito, hinikayat din ni Go ang mga magulang na magtiwala sa mga bakuna para mas maprotektahan ang kanilang mga anak laban sa COVID-19 habang sinimulan kamakailan ng gobyerno ang paglulunsad ng mga bakuna para sa mga batang may edad 5 hanggang 11 taon.

Bagama’t kinilala ng senadora ang mga alalahanin ng mga magulang, tiniyak niya sa kanila na ang desisyon ay ginawa lamang ng gobyerno pagkatapos ng masusing pagsasaalang-alang at konsultasyon sa mga eksperto sa kalusugan.

Samantala, umapela si Go sa mga LGU at pribadong sektor na gumawa ng mga malikhaing paraan para mahikayat ang mga Pilipino na magpabakuna.

“Habang pinoproteksyunan natin ang buhay ng mga Pilipino, sinisikap rin nating lutasin ang hirap at gutom na dulot ng pandemya. Kapag protektado ang komunidad gamit ang bakuna, mas makapagtatrabaho na rin ang mga tao at sisigla ang kabuhayan ng lahat,” paliwanag ni Go.

Nitong Pebrero 11, nakatanggap na ang Pilipinas ng kabuuang 222,449,820 na bakuna laban sa COVID-19. Nasa 61.4 milyong Pilipino ang ganap na nabakunahan habang 61.07 ang nakatanggap ng kanilang unang dosis. Samantala, 8,948,520 booster shots na ang naibigay sa buong bansa.

AUTHOR PROFILE