Bong Go

Bong Go inayudahan Paeng victim sa Maguindanao

November 2, 2022 People's Journal 94 views

Bong GoBong Go

DDR, mandatory evac center iginiit

KASUNOD ng pananalasa ng bagyong Paeng sa bansa, agad na nakipag-coordinate si Senator Christopher “Bong” Go sa mga local government units para tumulong sa mamamayan na nangangailangan ng tulong.

Noong Linggo, mabilis na pinakilos ni Go ang kanyang grupo upang maghatid ng tulong sa mga biktima ng bagyo sa Datu Odin Sinsuat at Parang sa Maguindanao del Norte, at Datu Abdullah Sangki at Ampatuan sa Maguindanao del Sur.

“Nais ko ring ipahayag ang aking pakikiramay sa mga nawalan ng mahal sa buhay dahil sa kalamidad. Gagawin namin ang aming bahagi, sa abot ng aming makakaya, upang magbigay ng suporta at tulungan ang mga apektadong komunidad na makabangon,” sabi ni Go.

“Ako ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa ating mga pambansang ahensya at mga kinauukulang local government units upang tulungan sila sa lahat ng paraan na ating makakaya. Ang aming mga koponan ay patungo sa iba pang mga apektadong lugar upang tumulong sa mga operasyon ng relief,” tiniyak ng senador.

Upang maayos na matulunga ang nasa 1,200 biktima ng bagyo, idinaos ng pangkat ni Go ang mga aktibidad ng pamamahagi ng ayuda sa covered court ng Barangay Poblacion at Kaya Kaya sa Ampatuan at Datu Abdullah Sangki, ayon sa pagkakabanggit; Parang Municipal Gymnasium; at Broce Elementary School sa Datu Odin Sinsuat.

Sa tulong nina Maguindanao del Norte Rep. Bai Dimple Mastura at Sultan Kudarat town Vice Mayor Shameem Mastura, ang grupo ni Go ay namahagi ng grocery at food packs, kamiseta pati na mga payong at basketball sa mga piling tatanggap.

Hinikayat ni Go ang mga benepisyaryo na makipagtulungan sa recovery and rehabilitation efforts ng gobyerno at tiniyak niya sa kanila na patuloy siyang magdadala ng kinakailangang suporta sa abot ng kanyang makakaya.

“Tulad ng dati, sa abot po ng aking makakaya, asahan niyo na ako ay tutulong sa lahat ng naapektuhan ng bagyo. Naiintindihan ko kung gaano kahirap mawalan ng tirahan at gamit. Pero huwag kayong mawawalan ng pagasa mga kababayan ko dahil andito lang kami na handang tumulong sa inyo,” paniniyak ni Go.

Samantala, muling iginiit ni Go ang kanyang panawagan para ipasa ang kanyang Senate Bill No. 188 na magtatatag ng Department of Disaster Resilience. Ang nasabing departamento ay magiging isang highly specialized agency na may cabinet level secretary para masiguro ang adaptive, disaster-resilient at ligtas na mga komunidad.

“Alam naman natin na napakadalas pong tamaan ng bagyo ang ating bansa. Hindi lamang po bagyo pati na rin po lindol, pagputok ng bulkan, at iba pang kalamidad. Kaya kailangan po talaga nating i-step up ang ating paghahanda laban sa mga nasabing kalamidad,” ani Go.

Ang DDR ang magpapabilis o magpapadali ng lahat ng mga responsibilidad na may kaugnayan sa paghahanda at pagtugon sa sakuna, mga gawain na kasalukuyang nakakalat sa iba’t ibang departamento at opisina.

“The extent of devastation caused by typhoon Paeng and recent calamities makes our call to establish the Department of Disaster Resilience and to build mandatory evacuation centers in every town, city and province more relevant than ever,” ayon sa senador.

Binanggit din ni Go ang kanyang Senate Bill No. 193 na magtatatag naman ng ligtas at malinis na evacuation center sa bawat lungsod, lalawigan at munisipalidad sa buong bansa.

Alinsunod sa pagtiyak ng kapakanan ng mga Pilipino, nag-alok pa si Go ng tulong medikal sa mga may problema sa kalusugan habang hinikayat niya silang humingi ng tulong medikal mula sa alinmang Malasakit Center na matatagpuan sa Maguindanao Provincial Hospital sa Shariff Aguak sa Maguindanao del Sur, Cotabato Sanitarium sa Sultan Kudarat sa Maguindanao del Norte, at Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City.

Sa 152 operational centers na ngayon sa buong bansa, ang Malasakit Centers Act of 2019 ay isa sa maraming batas na inihain ni Go upang matulungan ang mahihirap na Pilipino na ma-access ang mga programa ng tulong medikal ng gobyerno.

AUTHOR PROFILE