Bong Go

Bong Go: Duterte pinababalik sa pulitika ni GMA

September 12, 2023 People's Tonight 233 views

HINIKAYAT ni dating Pangulo at Deputy House Speaker Gloria Macapagal Arroyo si dating Pangulong Rodrigo Duterte na bumalik sa pulitika, sa pamamagitan ng pagtakbong senador.

Ginawa ni Mrs. Arroyo ang panghihikayat nang magkaroon ng maikling pag-uusap ang dalawang dating presidente sa Cardinal Santos Hospital nitong weekend.

Sinabi ni Senador Bong Go na sinamahan niya si “Tatay Digong” sa routine check-up nito nang mangyari ang pag-uusap nina Arroyo at Duterte.

Matapos ang taunang medical check-up, inimbitahan sina Duterte at Go ng dating Pangulo para sa isang hapunan. Kasama rin sa pulong ng dalawa sina dating Senate President Vicente Sotto III at Executive Secretary Salvador Medialdea.

“At dahil bihira lang naman na pumunta sa Maynila sa ngayon si dating Pangulong Duterte, sumabay na rin sa pagkikitang iyon, sa tulong ni dating executive secretary Salvador Medialdea, si dating Senate President Tito Sotto na gusto ring makamusta nang personal ang kanyang itinuturing na kaibigan na si Tatay Digong.”

Ani Go, isang simpleng kumustahan at masayang pagkikita ang nangyari. Nagbalik-tanaw sila sa mga panahong nagkasama sila sa gobyerno.

Sinabi ni Go na tumagal nang halos 15 minuto ang usapan nina Arroyo at Duterte.

Sa nasabing pagkikita, kinumbinsi ni dating Pangulong Arroyo si dating Pangulong Duterte na maging aktibo muli sa pulitika.

“Doon ko po nasaksihan at nag-usap sila na hinihikayat ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo si dating Pangulong Duterte na maging active muli sa pulitika, maybe by running for national office bilang isang senador ngunit ang sagot naman ni Pangulong Duterte ay nag-smile lang po siya. Tulad ng dati kokunsultahin niya po ang kanyang pamilya,” ani Go.

Sinabi ng senador na bahala na si dating Pangulong Duterte sa kanyang mga plano sa pulitika.

“Sabi ko nga, magkaiba man ng pinanggalingan, iba’t iba man ang hinawakan nilang posisyon sa gobyerno, iisa lang ang kanilang hangarin—ang paglingkuran ang sambayanan,” ayon kay Go.

AUTHOR PROFILE