Vic Reyes

BOC tuloy-tuloy ang operasyon vs ismagling

February 21, 2024 Vic Reyes 206 views

KUNG ating titingnan, napakalaki ang epekto ng ismagling sa ekonomiya ng isang bansa na kagaya ng Pilipinas, na umaasa sa kikitain ng gobyerno sa pagpasok ng mga legal na importasyon.

Ang mahirap pa, nanganganib ang kalusugan ng taumbayan kung may mga makapapasok sa bansa na mga produktong makasasama sa tao.

Kaya nga ang gobyerno ay laging alerto sa mga iligal na pagpasok ng mga produkto sa ibat-ibang parte ng Pilipinas.

Maging ito man ay outright smuggling o tinatawag na technical smuggling.

Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, sila’y nakakumpiska ng mga kontrababandong nagkakahalaga ng mahigit P31 bilyon noong 2023.

Ito ay bunga ng pinaigting nilang kampanya laban sa ismagling sa tulong ng iba pang ahensiya ng gobyerno na kagaya ng PDEA, PCG at PNP.

Nakatuon rin ang atensyon ng mga otoridad sa mga kasong nakahain sa mga korte laban sa mga ismagler at mga kasabwat nila.

Ang gusto ng publiko ay mabulok sa bilangguan ang mga tiwaling negosyante para hindi sila pamarisan ng iba.

Hindi kasi titigil ang mga ismagler hanggat walang nakukulong dahil malaki ang kinikita ng mga ito sa ‘di pagbabayad ng tamang buwis.

Sa totoo lang, tuloy-tuloy ang ginagawang pagtugis ng mga taga-BOC para mahuli ang mga tulisang ayaw tumigil sa kanilang mga iligal na gawain.

Naniniwala ang mga taga-BOC na kahit papaano ay nasasaktan na ang mga ismagler dahil sa walang humpay nilang operasyon laban sa mga ito.

***

Mabuti naman at babalik din sa dating schedule ang school calendar sa bansa.

Ayon sa balita, babalik na tayo sa old school calendar pagdating ng school year (SY) 2027-28.

Unti-unti lang ang ginagawang shift sa dating schedule para hindi naman maapektuhan ang pag-aaral ng mga bata sa buong bansa.

Binago noon ang pagbubukas at pagtatapos ng mga klase dahil sa dalawang taong coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Maraming reklamo ang mga magulang, estudyante at pati mga guro dahil nabago ang school vacation. Kaysa magbakasyon, nagkaroon ng klase sa buwan ng Marso hanggang Mayo.

Ito pa naman ang mga buwang pinakamainit sa bansa at hirap ang mga bata at guro dahil parang mga oven ang mga silid-aralan.

Lalo na sa mga pampublikong paaralan kasi mga maliliit na electric fan ang gamit. Ang iba nga ay pamaypay na lang ang gamit ng mga bata at guro.

Marami sa mga pribadong paalaran ay naka-airconditioned ang mga silid-aralan.

Ang kasalukuyang SY (2023-24) ay magtatapos sa Mayo 31, samantalang ang opening ng SY 2024-25 ay July 29 at ang huling school day ay May 16, 2025.

Kaunting panahon na lang at balik na tayo sa dating school calendar.

***

Kamakailan ay nagsanib-puwersa ang Pilipinas at Estados Unidos para magpatrolya sa West Philippine Sea (WPS).

Sa nasabing patrol ay sumama ang isang US B-52H Stratosfortess, ang latest upgrade ng B-52 bomber, sa tatlong FA-50 light fighters ng Phtilippine Air Force.

Ito ang unang pagkakataon na nag-conduct ng joint patrol ang PAF at US Air Force (USAF) sa loob ng exclusie economic zone ng Pilipinas sa WPS.

Kagaya ng inaasahan, nagpadala naman ang China ng kanilang puwersa para i-monitor ang ginawang joint patrol ng magka-alyadong bansa.

Sinabi pa ng China na the Philippines “has stirred up trouble” in the South China Sea” dahil sa ginawang joint patrol ng Pilipinas at Amerika.

Bago nito ay nagsagawa naman ang Philippine Navy’s BRP Gregorio del Pilar at US Navy’s USS Gabrielle Giffords ng series of exercises sa Mindoro.

Ang lahat ng mga nangyayaring ito sa SCS ay binabantayan ngayon ng buong mundo dahil malaking epekto ito sa world economy at katatagan ng buong daigdig.

At naniniwala tayo na mare-resolba ang mga isyung ito sa pamamagitan ng diplomasya.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #01917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE