Paul Gutierez

ICC matagal na sa Subic!

February 20, 2024 Paul M. Gutierrez 395 views

MATAGAL na palang nasa Pilipinas ang delegasyon ng ICC kung saan pansamantalang naka-billet ang mga ito sa Subic.

Nakalap pa natin na ang pananatili ng ICC ay batid ng pamunuan mg SBMA!

Matagal nang usap-usapan na lihim daw na nakapasok ang ICC sa bansa upang mag-imbestiga sa mga EJKs na naganap sa panahon ni dating PRRD, bukod pa sa mga alingasngas na posibleng paghahain daw ng arrest warrant.

Oops! Sa Subic nga pala ginaganap ngayong buong linggo ang isang mahalagang pagpupulong ng AO35, ang mekanismo ng pamahalaan sa pagresolba ng mga extra-judicial killings (EJKs) at iba pang mga garapal na pag abuso sa karapatang pantao. Ang AO35 ay nasa mahusay na pamumuno ni DOJ Undersecretary Jessie Andres.

Teka, “coincidence” o “nagkataon” nga lang kaya na nasa Subic ang ICC delegation at doon naman nagpupulong ang AO35?

Dumalo naman tayo sa unang araw ng pagpupulong ng AO35 nitong Lunes dahil ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na binuo naman sa ilalim ng Administrative Order No. 1 (AO1) ay bahagi ng AO35.

At “suwerte” naman, Bosing Asec. Jomar Canlas, pinaunlakan tayo ni SBMA director Bert Mozo ng isang masarap na hapunan, yeheyy!

“Suwerte” talaga tayo dahil sa aming kuwentuhan, FPRRD, kinumpirma ni Dir. Mozo na, yes, Jose, nasa Subic nga ang delegasyon ng ICC!

Bagama’t nagdaraos ng pulong ang AO35 sa Subic, hindi naman ikinabahala ng mga ito ang nasabing pananatili doon ng delegasyon ng ICC. Ayon pa nga kay Usec. Andres, “okay” lang na ‘andun ang ICC delegation “dahil ginagawa lang naman nila ang kanilang mandato.”

Kung matagal na sa bansa ang ICC delegation, hindi imposible na marami nang lugar sa bansa ang kanilang napuntahan batay sa kanilang misyon? Eh, huwag na kayong magtaka, mga kabayan, kung isang araw ay mamataan ninyo sila sa inyong lugar.

Teka pala, gusto nating ilinaw na kung iniisip ninyo na ang ICC na tinutukoy natin ay ang International Criminal Court na gustong manghimasok sa imbestigasyon ng EJKs sa bansa, “wrong mistake” kayo, dear readers, hane?

Ang tinutukoy kasi natin ay ang International Coastal Cleanup (ICC) delegation na nasa Subic para gawin itong pilot area sa isinusulong nilangg International Coastal Cleanup Day o ICC Day –upang laging malinis ang ating mga karagatan at baybaying dagat. Importante ito para labanan ang polusyon at protektahan ang ating kapaligiran, hindi ba, dear readers?

‘Yan, malinaw na, ‘di ba, Mommy Tess L? Kaya ‘yung iba d’yan, huwag na kayong nerbiyosin, hehehe!

Mabuhay ang ICC at ang misyon nito sa bansa!

AUTHOR PROFILE