Default Thumbnail

BOC, tuloy ang operasyon kontra ismagling

February 22, 2023 Vic Reyes 270 views

Vic ReyesSA mga may-ari ng mga bodega at iba pang storage facilities na ginagamit na imbakan ng mga “smuggled” at “hoarded” na produktong agrikultura, mag-isip-isip na kayo.

Hindi kayo sasantuhin ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, lalo na’t may marching order si Pangulong Bongbong Marcos na tugisin ang mga ismagler at hoarder.

Noon ngang Biyernes, Pebrero 17, ay nagsagawa ang Bureau of Customs (BOC) ng inspeksyon sa mga warehouses at storage areas sa Metro Manila (MM).

Kasama ng mga taga-Customs Intelligence and Investigation Service ng Manila International Container Port (MICP), ang mga operatiba ng PNP-CIDG at Philippine Coast Guard sa inspeksyon.

Sa inspeksyon na isinagawa sa 24 na bodega at storage areas sa MM ay nakakita ang mga ahente ng mga puslit na produktong agrikultura na nagkakahalaga ng mahigit P150 milyon.

Karamihan sa mga warehouses at storage facilities ay nasa Tondo, Manila. May isa sa Binondo, Manila at isa rin sa Malabon City, ayon sa report ng BOC.

Isinagawa ng mga operatiba mula sa tatlong ahensya ang mga inspeksyon sa mga bodega at iba pang imbakan ng goods base sa Letters of Authority (LOAs) na inisyu ng BOC.

Ang mga bodega ay pinaniniwalaang naglalaman ng mga puslit at hoarded na produktong agrikultura.

Kabilang sa mga nakitang produktong agrikultura ay fresh onions at fresh garlics, ayon pa sa report ng BOC.

Sinabi ni Deputy Commissioner for Intelligence Juvymax Uy na gusto ni Commissioner Rubio ay mabilis na aksyon sa mga impormasyon na natatanggap ng BOC araw-araw.

Kapag nakatatanggap ng derogatory information, kaagad na nakikipag-ugnayan ang mga taga-BOC sa mga pulis at opisyal ng barangay kung nasaan ang mga bodegang i-inspeksyunin.

Noong Pebrero 17 ay isinara at sinelyuhan muna ang mga bodega na kinakitaan ng mga puslit at hoarded na produktong agrikultura.

Sa isang pahayag, sinabi ni Commissioner Rubio, na isang BOC oldtimer na taga-Batac, Ilocos Norte, na “we will be relentless in the fight against agricultural smuggling.”

Dagdag ni BOC chief Rubio: “Rest assured that the BOC is steadfast on patrolling our borders and protecting our local farmers against illicit traders of agriculture products.”

Dapat lang dahil prayoridad ni Pangulong Marcos ang pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda na lubhang nahihirapan dahil sa pagdagsa ng mga puslit na bigas at asukal.

Ayaw pa ngang bitawan ni Pangulong Marcos ang pagiging kalihim ng Department of Agriculture hangga’t hindi naaayos ang mga problema sa sektor ng agrikultura.

Nasa tamang direksiyon po kayo, Pangulong Bongbong!

***

Dahil matagal nang intelligence officer si Commissioner Bienvenido Y. Rubio, naniniwala tayong maraming kalokohan sa aduana ang matitigil sa kanyang panunungkulan.

Dahil sa tagal na niya sa ahensya, alam na niya kung sinu-sino ang mga dapat bigyan ng leksyon para lang mapaganda ang serbisyo sa tinaguriang “snake-infested waterfront.”

Hindi siya puwedeng magpa-kampante dahil alam niya na maraming naglalaway sa kanyang “mainit na upuan.”

Nasisiguro nating may mga tao diyan na naghihintay lang ng pagkakataong mapitik siya ng simple.

Pero naniniwala tayo, kasama ang iba pang BOC oldtimers, na mahirap intrigahin si Commissioner Rubio, na maliban sa kanyang pagiging Ilocano, ay kilala pa siyang “fair ands just” na tao.

Hindi sana siya nagtagal sa BOC – mahigit dalawampung taon – kung hindi siya matinong lingkod-bayan.

Trabaho lang, Comm. Bien!

***

Walong buwan pa bago ang October 30 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) pero matindi na ang bangayan sa mga barangay.

Ito’y hindi nakapagtataka dahil halos magkakamag-anak ang mga kakandidato sa pagka-kapitan at kagawad.

Nandiyan pa ang mga paki-alamerong local government officials na gustong kontrolin ang mga barangay at SK officials bilang paghahanda sa May 2025 national elections.

Ito ay kahit alam nilang hindi puwedeng makialam ang mga politiko sa dalawang elections dahil ang mga ito ay “non-partisan.”

Kaya ang dapat gawin ng Commission on Elections (Comelec) ay parusahan ang mga politikong makikisawsaw sa dalawang political exercises na ito.

Comelec Chairman George Erwin Garcia, huwag mong payagang lokohin tayo ng mga politikong ito.

(Para da inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #09178624484/email:[email protected].Ilagayblang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE