Default Thumbnail

High school life muling sinariwa sa pagtitipon ng mga dating mag-aaral

February 22, 2023 Edd Reyes 391 views

Edd ReyesHIGH school life ang pinakamasaya, kapanapanabik, at hindi malilimutang yugto ng buhay ng maraming estudyante dahil dito umuusbong ang tunay na pagkakaibigan, pagkakaisa at maging ng pag-iibigan ng mga mag-aaral.

Kaya kahit lumipas pa ang ilang dekada, hindi pa rin sapat ang makabagong teknolohiya upang maibsan ang pananabik sa isa’t-isa ng bawa’t magkaka-klase tulad na lamang ng ginawang pag-organisa ng mga magkakamag-aral ng IV-A Class 73’ ng Arellano High School upang muling magkita-kita makalipas ang napakaraming taon.

Nag-umapaw ang kasiyahan at pananabik sa isa’t-isa ng mga dating magkaka-klase na dumalo sa kanilang muling pagkikita sa isang buffet restaurant sa loob ng SM Mega Mall sa Mandaluyong City nito lamang araw ng Linggo kaya’t talaga namang kulang ang inilaan nilang oras upang maging sapat ang kasiyahan ng bawa’t isa.

Lalu pang nagpasarap sa linamnam ng mga pagkain ang hindi mapatid-patid na kuwentuhan kumustahan, halakhakan, pagbabalik sa mga ala-ala ng nakaraan na nauwi pa sa tuksuhan at kantiyawan bunga ng muling pagkikita ng dating magsing-irog na may kanya-kanya na ring pamilya, pati na rin ang pamamahagi ng biyaya at souvenir ng mga may kaya sa buhay.

Sa kanilang bonding moments, muling pinatunayan ng mga matatalinong babaing estudyante ng Class IV-A na nakasungkit ng mga karangalan bilang mga natatanging mag-aaral na nagpamalas ng angking katalinuhan ang kanilang mga tagumpay, na dahilan upang maging mariwasa ang kanilang pamumuhay sa piling ng kanilang pamilya.

Hindi naman naging dehado ang ilang mga ka-klase nilang lalaki na sumungkit din ng karangalan at naging tagumpay rin sa kanilang larangan, kabilang na rito ang dating magka-klase na nagkatuluyan bilang mag-asawa at bumuo ng masawa at mariwasang pamilya.

Panay naman ang pagpapa-abot ng pasasalamat ang mga dumalo sa pagtitipon sa bukas-palad na pamamahagi ng biyaya at pagbalikat sa pagbabayad ng bill ng kanilang mga dating ka-klase, kabilang na rito sina Amy Labro, ang mag-asawang Henry at Lydia Magtanong, Minerva Polintan, Rose Pinto, Conrad Dimaano at Len Randrup, pati na rin kay Dalisay Flores na nakipag-ugnayan at gumawa ng reserbasyon sa naturang restaurant. Sana raw ay maulit itong muli.

Pay parking sa Roxas Boulevard Service Road, kinokopo ng sekyu

NANG ating iulat ang pag-akto bilang parking boys ng ilang mga security guard sa paligid ng Pasay City Hall, ilang mga riders at motorista ang nagpadala ng mensahe na nagpahayag na hindi lamang sa Pasay may ganitong uri ng mga guwardiya kundi maging sa service road ng Roxas Boulevard na sakop ng Lungsod ng Maynila.

Nilalagyan daw ng makapal na lubid ng security guard ang parking area ng service road partikular sa harap ng Ermita Center upang ireserba sa kanilang mga suking motorista gayung nasa ilalim ito ng pamamahala ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at may nakatalaga sila ritong mga parking attendant.

Kung tutuusin, mas may karapatan ang mga parking attendant ng MTPB na sumingil dahil mar resibo silang ini-isyu upang tiyaking papasok sa kaban ng lungsod ang salapi pero mukhang inaangkin na ng ilang security guard ang service road nasa harap ng binabantayan nilang gusali upang kliyente lang ang makaparada.

Aba, eh hindi lang pala si Mayor Emi Calixto-Rubiano ang magagalit sa ganyang kostumbre ng mga guwardiya kundi maging ang masipag na consultant ng MTPB na si Mr. Dennis Viaje.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE