DCA TIGOK–Nakabulagta ang pinaniniwalaang lider ng Bayawak Gang na responsable umano sa mga patayan at sunud-sunod na holdapan ng mga convenience stores sa buong Region 4-A. Kuha ni DENNIS ABRINA

Bayawak Gang lider todas sa engkwentro

December 2, 2023 Dennis Abrina 332 views

BACOOR CITY, Cavite–Napatay ng mga pulis ang pinaniniwalaang lider ng isang gun-for-hire at robbery gang sa engkwentro noong Sabado sa Nazareth Compound sa Bgy. Molino 3.

Dead-on-the-spot ang suspek na si Gelbirth Albios Puerto, 30, na kilala bilang Boss Bay at residente ng Kaunlaran Horseshoe Drive, Cavite City.

Si Puerto ang kilalang lider ng Bayawak group.

Sa report ni Cavite Provincial Director Police Col. Eleuterio M. Ricardo Jr., nakipag-coordinate sa kanila ang Quezon City Police District (QCPD) nang mamataan sa Bacoor City ang nasabing suspek.

Bandang ala-1:30 ng madaling araw nang namataan ang suspek sakay ng kaniyang Honda Click na walang plaka sa Nazareth Compound, Bgy. Molino 3, Bacoor City.

Sinundan siya ng mga pulis ng Las Piñas, Bacoor at Quezon City pero nang makatunog, tumigil ito at pinaputukan ang mga pulis.

Dito na nauwi sa habulan at palitan ng putok hanggang sa bumulagta ang suspek. Narekober sa kanya ang isang cal. 45 pistol na puno ng bala, isang extra magazine, anim na empty cartridges at ang motor.

May patong-patong na kaso at pasimuno ng sunud-sunod na robbery-holdup ng mga spa at mga convenience stores sa National Capital Region (NCR) at Region 4-A ang gang, ayon sa mga pulis.

Nagtrending din ang suspek nang i-post sa social media ang banta sa mga residente ng Talon, Las Piñas, partikular sa isang mag-asawa na papatayin daw niya.

AUTHOR PROFILE