Paul Gutierez

Batas na walang pulitika para kay Sec. Benhur

April 12, 2024 Paul M. Gutierrez 112 views

BATID ni DILG Sec. Benhur Abalos kung paano gumawa at magpatupad ng batas na pantay-pantay at walang halong pamumulitika.

Ito ang malinaw na mensahe ng matikas na kalihim nang ipag-utos niya ang pagbubuo ng isang ‘special task force’ sa bisa ng Department Order 2024-354 nitong Abril 5, 2024. Layunin nitong imbestigahan at alamin ang katotohanan hinggil sa sinasabing kaugnayan (involvement) ng ilang mga opisyal ng Bamban, Tarlac, sa operasyon ng isang dambuhalang ‘POGO’ sa nasabing bayan.

Kamakailan kasi ay ni-raid ng Presidential Anti-Organized Crime Corruption (PAOCC) itong Zun Yuan Technology na may napakalawak na sariling compound sa Bamban dahil sa reklamo ng human trafficking kung saan daan-daang mga empleyado, kasama na ang ilang mga foreign nationals, ang nailigtas.

Sa imbestigasyon pa rin, “sabit” sa operasyon ang ilang mga opisyal ng Bamban, kasama na ang ilang mga pulis—na lahat ay gustong “mahubaran” ni Sec. Benhur dahil nga “mantsa” sila sa DILG na ang integridad, sabihin pa, ay mahalaga sa kanya bilang kalihim nito.

Ang DO 2024-354 ay isa ring malinaw na “pruweba” na hindi totoo ang alingasngas na “may konek” kay Sec. Benhur ang ilang mga POGO at mga “protektor” nila sa mga LGUs kaya patuloy lang ang kanilang operasyon.

Aber, kung “pasok” si Sec. Benhur sa mga POGO, bakit pa siya mag-aabala na magpaimbestiga? Hindi naman siguro siya “ogags” para gawin ito dahil para siyang kumuha ng “bato na ipapalo sa kanyang ulo,” hindi ba, dear readers?

Sa kanya pa ring ginawa, marami ang humanga, bumilib at “nagpasalamat” dahil bukod sa nailigtas niyang mga biktima, malinaw din ang mensahe na ‘your days are numbered’ sa hanay ng mga POGO na sa totoo lang ay prente para sa lahat ng mga krimen at katarantaduhan na sa mahabang panahon ay hindi naasikaso ng pamahalaan. Tapos na rin siyempre ang mga panahon na ang mga POGO ay “kanlugan” ng mga puganteng dayuhan.

Kaya nga sa ganang atin, dapat din ay magdahan-dahan at mag-ingat ang mga tiwaling pulis at mga local government units (LGUs) na may ginagawang “milagro” dahil hindi mangingimi si Sec. Benhur na putulin ang inyong mga sungay at “hubaran” kayo ng maskara at maparusahan ang mga sangkot sa anomang anomalya at katiwalian.

Sa ipinapakitang liderato ni Sec, Benhur, naalala ko tuloy ang kanyang mga sinabi na sa paniwala ko ay sandigan ng mahusay na kalihim sa kanyang paglilingkod:

“Ang susi sa pag-unlad ay hindi pulitika ng paninira, hindi pulitika ng pananakot, hindi pulitika ng pang-iipit.

“Ang tunay na susi ng pag-unlad ay ang pagkakaisa ng mga tao – ‘yan ang para sa akin ay lideratong galling sa puso, pagkakalinga. Importante ang gawa, hindi salita!”

‘Anlaki ng tama dito ni Sec. Benhur, hindi ba, kasamang Allan Encarnacion at mga kabayan?

At kaya siguro hindi natin masyadong naririnig sa mga balita ang mahusay na kalihim, dahil mas gusto niya na magtrabaho ng tahimik, ngunit epektibo? Pero teka, ‘the time to be silent is over,’ Sec. Benhur. Ano ba kasing masagwa na malaman ng publiko ang iyong mga magagandang ginawa at ang iyong mga paninindigan at paniwala para sa epektibong paglilingkod sa kapwa?

At kung magpatuloy sa pagtaas ang ranking ni Sec. Benhur para sa mga sadyang nararapat na maglingkod sa Senado, dapat pa ba tayong magtaka?

Kumpara naman kasi sa iba, di hamak na mas deserving si Sec. Benhur na maluklok sa Senado dahil hinog na hinog na siya pagdating sa pag-ukit ng mga batas at serbisyo publiko.

Masarap samahan ang taong marunong at may paninindigan!

Abangan!

AUTHOR PROFILE