Allan

Train czar na kayang maglinis ng kubeta!

April 12, 2024 Allan L. Encarnacion 146 views

TAMA si Pangulong Marcos, kung maayos ang mass transport system natin, baka pati mga mayayaman mamasahe na lang sa halip na gumamit ng kanilang mga magagarang sasakyan.

Sabi nga, ang sukatan ng kaunlaran ng bansa ay hindi ang dami ng mga sasakyang naglalakbay sa kalsada bagkus ay ang dami ng mga may kaya sa buhay na gumagamit ng mass transportation.

Sa mga bansang gaya ng South Korea, Japan at Singapore, karaniwan mong makikita ang mga nakakurbata na sumasakay ng train system. Sa Japan nga, lalo na sa Tokyo, ang dami mong makikitang mga naka-office attire na nakabisikleta lang papasok sa kanilang mga trabaho.

Sa Singaporea at Hongkong, kasabayan mo ring naglalakad sa bangketa ang mga naka-coat and tie or mga naka-corporate attire, lalo na sa rush hour sa umaga. Lahat sila ay nagmamadaling lumalakad patungo sa mga subway train station.

Pangkaraniwan na sa kanila ito dahil unang-una, talagang maiinggit ka sa ganda ng kanilang train at linis ng mga train stations. At ang mga banyo sa kanilang istasyon, spotless clean, may maayos na running water at working ang lahat ng faucet, kasama na ang mga flush ng toilets and urinals.

Alam ko ito, first hand kasi ako mismo ay nakasubok na sa kanilang mga train system. Ang mga bansang binanggit ko gaya ng Hongkong, Japan, Singapore at South Korea ay may common denominators pag dating sa transport system: efficiency and consitency. Malinis ngayon, malinis habang panahon, on time ngayon, on time habang panahon, airconditioned ngayon, may aircon habang panahon.

Nakakalungkot kasi historically, tayo dito sa Pilipinas ang isa sa pinakaunang nagkaroon ng train system. Iyong minamaliit nating PNR, 1892 pa yan na ang dating pangalan ay Ferrocarill National de Flipinas. Iyong Tokyo subway system 1927, ang Hong Kong 1910, ang South Korea 1948 at ang Singapore ay 1987.

Isipin nyong mabuti kung bakit tayong mga nagpasimula ng sistema ng train ang siya ngayong kulelat. Itong Metro Manila Subway system na ginagawa ngayon ay atrasado na ng 30 years kung tutuusin. Masyado kasing mapulitika ang utak ng mga nagiging lider dito sa atin.

Nang mapatalsik si Mcoy noong 1986, lahat na ng mass transport system na nasa blue print ng kanyang administrasyon ay ibinasura ng sumunod sa kanya. Ayaw na ayaw ng mga pumapalit na lider na gawin ang proyekto ng kanilang sinundan dahil mabibigyan pa ng credit. Utak walang malasakit, di ba?

Ang totoong lider kasi ay wala siyang pakialam sa mga nakaraan or kung sino man ang kanyang pinalitan, basta ang proyekto ay para sa kapakinabangan ng mga mamamayan, itutuloy niya yan. Ganoon ang matinong lider, ganoon ang totoong lider, iyon ang may malasakit sa bayan.

Sa totoo, lang maganda talaga ang mag-train mula Quezon City papuntang Makati or paikot ng Metro Manila kaya lang, iyong mismong sistema simula pa lang sa mga sirang elevator, hindi gumaganang escalators, mababantot sa toilet ay hindi makakaakit ng mga upper middle class at mga working executives.

Gusto nating mangyari ang sinasabi ng Pangulo na iyong mga may sasakyan ay gumamit na lang ng train system para mabawasan ang traffic sa ating Metropolis at bumaba ang pollution sa National Capital Region kaya nga ang suggestion natin ay magtalaga ng train czar na walang gagawin kung hindi ayusis ang buong sistema ng ating riles.

Ang gusto kong train czar ay iyong kayang maglinis ng kubeta! Kapag nakakita si Pangulo ng ganitong tao, areglado na tayo!

[email protected]