Batang babae, 3, nahulog sa condo patay

December 2, 2022 Melnie Ragasa-limena 209 views

NASAWI ang 3-anyos na batang babae nang mahulog mula ikasampung palapag ng tinitirhang condo sa Quezon City, Huwebes ng hapon.

Ang biktima ay residente ng isang condominium unit sa Commonwealth, Barangay Batasan Hills, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezzon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5:10 ng hapon (Disyembre 1), nang maganap ang trahedya sa tahanan ng biktima.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg. George Caculba ng CIDU, iniwan umanong natutulog ang bata ng kaniyang ina sa loob ng kanilang unit sa ikasampung palapag ng gusali.

Kasama ang kaniyang boyfriend at kaibigan ay nagtungo umano ang ina ng biktima sa lobby ng gusali upang manood ng basketball.

Ilang minuto lang ang nakalipas, napansin ng ginang na may pinagkakaguluhan ang mga tao ‘di kalayuan sa pinagdarausan ng basketball.

Agad naman nilang inusisa ang pinagkakaguluhan at bumungad sa ina ang anak na duguan nang nakahandusay sa semento.

Naisugod pa sa General Malvar Hospital ang biktima subalit idineklara na itong dead on arrival bandang 5:30 ng hapon, ni Dr. Epifanio Daffon Jr.

Sa isinagawang ocular investigation ng mga awtoridad sa condo unit ng biktima, napansin nilang bukas ang pintuan ng balcony at may monobloc chair sa tabi ng concrete barrier na hinihinalang tinuntungan ng biktima at nahulog.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa nangyaring trahedya sa nasabing condo.