Koreano, patay sa ambush sa Pasay

December 2, 2022 Edd Reyes 252 views

PATAY ang isang Korean national nang tambangan ng hindi pa nakikilalang salarin Biyernes ng madaling araw sa Pasay City.

Hindi na umabot ng buhay sa San Juan De Dios Hospital ang 44-anyos na biktima, pansamantalang nanunuluyan sa Sunset View Bldg., Roxas Blvd., sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa likurang bahagi ng katawan.

Sa isinumiteng ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Kirby John Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo, dakong alas-4:23 ng madaling araw nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril ang security guard ng Lacson Residence sa labas ng binabantayang gusali sa Roxas Boulevard service road at dito niya nakita ang duguang biktima na nakasubsob sa lansangan.

Lumabas din ang mga security personnel ng Department of Foreign Affairs (DFA) at sila na rin ang nagreport ng insidente sa Pasay Police Sub-Station 1.

Isinugod pa ng mga nagrespondeng mga tauhan ni P/Lt. Alexander Macarunay, commander ng Pasay Police Sub-Station 1 ang biktima sa pagamutan, gamit ang kanilang mobile patrol, subalit hindi na rin umabot ng buhay ang dayuhan.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na sakay umano ng tricycle ang mga suspek na nagsagawa ng pananambang sa biktima, bago mabilis na tumakas patungo sa hindi nabatid na direksiyon.

Inatasan na ni Estomo si Kraft na gawin lahat ng paraan upang makilala at madakip ang mga suspek habang inaalam pa ng mga imbestigador ng Pasay City Police Investigation and Detective Management Branch (IDMB) ang motibo sa naturang pamamaslang.

AUTHOR PROFILE