Default Thumbnail

Basurero nasagasaan habang tumatawid, dedo

February 9, 2022 Melnie Ragasa-limena 425 views

PINAGHAHANAP ng pulisya ang driver ng kotse na nakasagasa sa isang basurero habang tumatawid sa kalsada sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang nakilalang si Rodolfo Fontillas, 41, mangangalakal ng basura, dahil sa tinamong grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng driver ng kotse na tumakas matapos ang aksidente.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Traffic Sector 4, mag-a-alas-11:00 ng gabi (February 9) nang maganap ang aksidente sa Kamuning Road, sa lungsod.

Ayon sa isang saksi, tumatawid ng kalsada ang biktima nang mabangga ito ng isang dumaraang kotse.

Sa halip huminto ay humarurot palayo ang ‘di naplakahang kotse at tumakas.

Tinangka pa umanong habulin ng isang concerned motorcycle rider ang kotse ngunit hindi na ito naabutan pa matapos na sumignal ng stop ang traffic light sa kanto ng EDSA.

Ang kotse naman ay dumiretso umano sa Kamias Road at tuluyan nang nakalayo.

Agad namang tumawag ng rescue ang mga saksi ngunit wala nang buhay ang biktima nang datnan ng mga ito.

Ayon sa kapatid ng biktima, nagpaalam lamang sa kanila si Fontillas na mangangalakal ng basura matapos silang maghapunan.

Laking gulat na lang nila nang puntahan sila ng barangay matapos ang kalahating oras at ipaalam ang sinapit ng kanilang kapatid.

Nabatid na bagamat ‘di naplakahan ang kotse ay may nakuha namang basag na salamin nito mula sa headlight kung saan nakakabit ang kanyang RFID sticker.

Gagamitin umano ito ng mga awtoridad para matukoy kung sino ang may-ari ng kotseng nakabangga sa biktima.