Default Thumbnail

Baril, shabu nasabat sa 3 ‘sugarol’

May 18, 2023 Edd Reyes 176 views

BARIL at shabu ang nakuha ng pulisya sa tatlong lalaking nahuli sa aktong nagsusugal ng “cara y cruz,” Huwebes ng madaling araw sa Taguig City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft ang mga naarestong kalalakihan ay nadakip sa aktong nagsusugal ng cara y cruz sa Purok 10 PNR Site, Barangay Western Bicutan.

Sa kanyang ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Edgar Alan Okubo, dakong alas-4:30 ng madaling araw nang magtungo sa naturang lugar ang mga tauhan ng Western Bicutan Sub-Station 2 ng Taguig police makaraang makatanggap ng impormasyon hinggil sa nagaganap na iligal na pagsusugal.

Tinangka pang magpulasan ng mga suspek nang matunugan ang pagdating ng mga pulis subalit nasukol na rin kaagad sila.

Nang kapkapan, nakuha ng mga pulis sa mga suspek ang isang kalibre .9mm na pistola na may magazine na naglalaman ng tatlong bala, dalawang plastic sachets ng walong gramo ng shabu na may katumbas na halagang P54,400, tatlong P0.25 sentimos na baryang pangara, at P540 na pusta sa tayaan.

Sinabi ni Kraft na magtutuloy-tuloy ang kanilang operasyon laban sa lahat ng uri ng iligal na sugal, 24/7, sa katimugang bahagi ng Kamaynilaan batay na rin sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda, Jr.

Sa panig naman ni Okubo, hinimok niya ang publiko na magpatuloy sa pakikipagtulungan sa pulisya sa pamamagitan ng pagbibigay-alam sa mga iligal na gawaing nagaganap sa kanilang lugar upang maging katuwang nila sa pagtataguyod ng ligtas na komunidad para sa lahat.

AUTHOR PROFILE