Paul Gutierez

“Banjo B,” namamagyapag, otoridad, dedma lang?

June 17, 2024 Paul M. Gutierrez 160 views

PROBLEMA talaga ngayon ang ‘hacking’ at ‘Internet scam,’ mga kabayan, kung saan kapag hindi mo “naalagaan” ang inyong ‘account’ partikular sa ‘Facebook,’ magagamit ito sa panloloko at samu’t-saring katarantaduhan.

Partikular sa mga ‘hacker’ na namamayagpag ngayon ay itong may ‘registered SMART SIM accounts’ na si “Banjo B,’ kung saan libo-libong piso na ang natangay gamit ang kanyang talent sa computer hacking.

Tinatayang sa nakaraang linggo lang, new NBI director, Judge Jaime Santiago, aabot sa higit P50,000.00 na ang natangay nito sa publiko gamit ang simpleng estilo na ‘i-hack’ ang kanilang FB account at pagkatapos nito ay manghihingi ng Gcash gamit naman ang Messenger App ng FB.

Eh, siyempre, dahil ang paniwala ng hinihingan ay ‘yung “orig” na may-ari ng account ang nanghihingi, magpapadala sila ng pera.

Sa totoo lang, matagal nang raket ito ng mga ‘ulahiya sa ating lipunan, pero, ang “kakaiba” dito kay Banjo B, sadyang malakas ang loob dahil nga kahit rehistrado sa DICT ang kanyang numero, pero patuloy na aktibo sa kanyang panloloko, mantakin mo yan, DICT Secretary Ivan John Enrile Uy?! Kumbaga, walang takot itong si Banjo B na mahubaran ang kanyang pagkatao, ganern?!

At “matapang” pa ito, dahil sa mga naka-trace ng kanyang numero at lokasyon, ‘dyan sa bandang Bulacan, eh, siya pa, PNP Cyber Crime Group director, P/BGen. Ronnie Francis Cariaga, ang “naghahamon” na ‘sige nga, ipahanap ninyo ako, sa Cyber Crime, hahaha!’

Sanamagan, kamakailan lang ay “pinuri” pa ni PBBM itong PNP Cyber Crime at hinikayat na paghusayan pa ang kanilang trabaho pero, itong sa mga ganitong insidente, patuloy na “nganga” ang mga nabibiktima ng mga katulad nitong si Banjo B, pramis!

Ang masakit pa nga kasi, ang kanyang mga biktima ay mga ordinaryong tao lang din na pinaghirapan ang kanilang mga pera. Aber, “mabuti” sana kung ang may-ari mismo ng Gcash ang kanyang tinarget na biktima para kahit bilyon pa ang kanyang nakawin, walang problema, hehehe!

Sa pamamagitan ng pitak na ito, harinawang mabulabog naman at umaksyon ang mga otoridad natin—DICT, PNP at NBI at agad na hanapin, posasan at isadlak sa maruming selda itong si Banjo B at mga kasapakat niya. Oh yes, Jose, “organisado” ang grupong ito dahil lalakas ba ang loob kung siya si ‘Lone Ranger?’

Dapat lang na kumilos sila at tuldukan itong ginagawa ni Banjo B– na patuloy pa rin sa kanyang estilong bulok habang binabasa ninyo ito—dahil kung hindi nila kayang maresolba, eh, mga bosing, ano pang ginagawa ninyo sa inyong puwesto, hindi ba, mahal na Pang. BBM?

Magsilayas, ehek, mag-resign na kayo, mga ‘igan! mm. Teka, panukala ko lang naman para na rin sa inyong “dalisay” na pangalan,” hehehe!

Oops! Mayroon pang isang epektibong ahensiya ang gobyerno na ang tagumpay sa iniatas na tungkulin eh, talaga namang “siksik, liglig at nag-uumapaw.”

Ang tinutukoy natin siyempre ay ang kinatatakutan ngayon ng mga organized crime groups (OCGs)— ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa ilalim ni retired police major general, Undersecretary Gilbert Cruz.

Aber, gusto pa ba ng PNP, NBI at DICT na ahensiya pa ni Usec. Gilbert ang makaresolba ng krimen na ito? Hindi ba “nakakahiya” naman sa inyo?

Abangan!

AUTHOR PROFILE