Bangka Makikitang sinasagip ang mga pasahero ng sinawimpalad na bangka. Kuha mula sa mga Facebook post

BANGKA LUMUBOG SA POLILLO

August 3, 2023 Zaida I. Delos Reyes 405 views

Walong crew members, 56 pasahero nasagip

ISA na namang pampasaherong bangka ang lumubog matapos na hampasin ng malalaking alon at malakas na hangin sa karagatan ng Polillo, Quezon nitong Huwebes ng tanghali.

Sa inisyal na ulat, ang bangka na may lulang 70 katao — na binubuo ng walong crew members at 56 pasahero — ay umalis sa Patnanungan Port dakong 11:00 ng umaga.

Ang mga pasahero ay nasagip bandang 4 p.m.

Pagsapit sa karagatang sakop ng Polillo dakong 1:00 ng tanghali ay hinampas ang malaking alon at malakas na hangin ang bangka dahilan upang lumubog ito.

Sinabi ni Patnanungan Mayor Marie Claire Larita, mahigit kalahati na ang nasasagip ng mga rescue team na rumesponde sa lugar.

Pahirapan aniya ang pagsagip sa mga biktima dahil sa masungit na panahon.

Matatandaang nitong Miyerkules, isa ring pampasaherong bangka ang lumubog din sa karagatang sakop ng Barangay Pilar, San Antonio, Northern Samar.

Aabot sa 41 pasahero at 9 na crew members ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).