Lacuna

Bakunahan ng COVID-19 sa mga malls, public hospitals ititigil sa Maynila

November 14, 2022 Edd Reyes 210 views

INIHAYAG ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na ititigil na nila ang pagtuturok ng COVID-19 vaccine sa apat na ka-partner na malls at maging sa anim na pampublikong pagamutan sa Maynila.

“Gusto ko lang pong ipabatid sa inyo na simula bukas, Nobyembre. 14, ay wala na po tayong bakunahan sa ating dating mga mall partners at wala na rin pong pagbabakuna na magaganap sa atin pong anim na ospital,” pahayag ni Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Ang mga mall, tulad ng SM City Manila, SM City San Lazaro, Robinsons Place Manila, at Lucky Chinatown Mall na kabilang sa mga naging ka-partner ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ay titigil na sa pagbibigay ng COVID-19 vaccine bunga na rin ng inaasahang pagdagsa ng tao upang mamili ngayong panahon na ng Kapaskuhan.

Ang mga pampubliko ring pagamutan tulad ng Ospital ng Tondo, Gat. Andres Bonifacio Medical Center, Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila, at Sta. Ana Hospital ay hindi na rin magsasagawa ng pagbabakuna ng COVID-19 simula Lunes.

Batay sa paalala na nakasaad sa opisyal na Facebook page ng Manila City Public Information Office na inilagay ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng alkalde at hepe ng Mayor’s Communication Office, inalis na sa anim na pampublikong pagamutan ng Lungsod ng Maynila ang pagbabakuna ng COVID-19 upang magampanan ng mga medical health workers ang mas mahahalagang tungkulin i-aatang sa kanila.

“Unang-una, po sa kadahilanan, mas marami na po tayong mga non-COVID cases ang natatanggap ngayon sa ating anim na ospital kaya gusto po natin, lahat po sana ng ating mga medical frontliners ay pagtuunan naman nila ang ibang mga kaso maliban po sa COVID total, mangilan-ngilan na lang po ang nagpapabakuna sa ating mga ospital at mga malls,” pahayag ng alkalde.

Idinugtong pa niya na kung mayroong magnanais na magpaturok ng COVID-19 vaccine, mayroon pa namang 44 na mga health centers ang pamahalaang lungsod na puwede nilang puntahan.

“So, inuulit ko po, doon po sa mga nangangailangan na magpabakuna laban sa COVID-19, pumunta na lang po kayo sa ating 44 health centers sa buong Kamaynilaan, Mondays to Fridays, 8 a.m. to 5 p.m.,” sabi ni Mayor Lacuna-Pangan.

AUTHOR PROFILE