Bagong BRP Melchora Aquino ng PCG, parating na sa Mayo

April 4, 2022 Jun I. Legaspi 204 views

IBINALITA ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant CG Admiral Artemio M. Abu ang pagdating ng MRRV-9702 o ang ikalawang 97-meter “multi-role response vessel” (MRRV) ng PCG mula sa Japan ngayong Mayo 2022.

Ayon sa komandante, ang pagdating ng naturang barko na kikilalanin bilang BRP Melchora Aquino ay malaking hakbang tungo sa pagkilala sa PCG bilang “Symbol of Hope” at “Source of National Pride” ng Pilipinas – naayon sa nalalapit na pagdiriwang ng “Araw ng Kagitingan” Abril 9, 2022.

“Sa darating na Sabado, ipagdiriwang ng sambayanang Pilipino ang ‘Araw ng Kagitingan’ bilang pagbabalik-tanaw sa sakripisyo ng mga bayaning sundalo na inialay ang kanilang buhay para sa kalayaan na tinatamasa natin sa kasalukuyan,” ani CG Admiral Abu.

“Kaya naman sa linggong ito, hinihimok ko ang bawat Coast Guardian na maglingkod nang may kagitingan para sa bayan,” dagdag pa niya.

Ang MRRV-9702 ay naka-modelo sa Kunigami-class vessel ng Japan Coast Guard (JCG).

Mayroon itong maximum speed na hindi bababa sa 24 knots, endurance na hindi bababa sa 4,000 nautical miles, at kakayanang magsagawa ng pang-matagalang pagpapatrolya sa maritime jurisdiction ng Pilipinas – kabilang ang West Philippine Sea, Philippine Rise, at katimugang bahagi ng bansa.

Kaya naman ayon kay CG Admiral Abu, gagamitin ang naturang asset para lalong paigtingin ang pagtataguyod ng Maritme Security, Maritime Safety, Maritime Law Enforcement, Maritime Search and Rescue, at Marine Environmental Protection sa 37,000-kilometrong baybay-dagat ng Pilipinas.

Dagdag pa rito ang mas malawak na humanitarian assistance at disaster response operations gayong mayroon nang mas malaking barko na magagamit sa paghatid ng relief supplies o pagsasagawa ng ferry missions.

Noong Pebrero 26, 2022, ligtas na nakarating sa bansa ang MRRV-9701 na kikilalanin bilang BRP Teresa Magbanua sa oras na ma-komisyon sa serbisyo.

Binili ng pamahalaan ang dalawang 97-meter MRRV mula Japan para lalong palakasin ang PCG sa ilalim ng Maritime Safety Capability Improvement Project Phase II (MSCIP Phase 2) ng Department of Transportation (DOTr).

“What we are experiencing right now is the era of the modern Coast Guard. We have surpassed major challenges and achieved remarkable accomplishments in the past six years, and amid the global pandemic,” pagbabahagi ni CG Admiral Abu.

“You have proven that indeed, the men and women of the PCG are responsible, accountable, disciplined, inspiring, abled, team-spirited, and excellent servant leaders,” dagdag pa niya.

“You have proven that the PCG RADIATES! Kaya naman sa araw na ito, sama-sama tayo sa pagbibigay ng mabuting serbisyo sa sambayanang Pilipino,” pagtatapos ni Abu.

AUTHOR PROFILE