Default Thumbnail

Babae, 38, namatay habang nagpapahinga sa bangketa

September 23, 2022 Edd Reyes 230 views

BINAWIAN ng buhay ang 38-anyos na babaeng nangangalakal ng basura nang atakihin ng hika at mataas na presyon ng dugo habang nagpapahinga sa gilid ng lansangan Huwebes ng tanghali sa Navotas City.

Inakala ni Mylene Javier, 55, na nakatulog lamang ang kasama niya sa pangangalakal na si Josephine Dacallos habang nagpapahinga sila sa kanto ng C3 Road at Road 10, Barangay NBBS Proper subalit nagulat siya nang hindi na kumikilos ang biktima habang ginigising niya bago mag-alas-12 ng tanghali upang yakaging kumain ng tanghalian.

Dito na ipinasiyang ipabatid ni Javier sa Navotas City Action Center ang nangyari sa kanyang kasama na sila namang tumawag sa pulisya upang magsagawa ng imbestigasyon.

Lumabas sa pagsisiyasat ni Navotas Police Homicide investigator P/Cpl. Florencio Nalus na wala anumang palatandaan na biktima ng karahasan si Dacallos bagama’t isasailalim pa rin siya sa autopsy examination upang malaman ang sanhi ng kanyang kamatayan.

Napag-alaman ng pulisya na matagal ng dumaranas ng sakit na hika at hypertension ang biktima na posibleng dahilan ng kanyang maagang pagkamatay.

AUTHOR PROFILE