Default Thumbnail

Away ng Amerika at Tsina dahil sa lobo

February 17, 2023 Allan L. Encarnacion 461 views

Allan EncarnacionNAG-IBA na ang talaga ang panahon ngayon.

Dati, ang pinag-aawayan ng mga higanteng bansa ay ang langis o kaya’y armas-nukleyar. Ngayon, patuloy ang pag-init ng diskusyon ng Amerika at Tsina sa pagkakaputok ng lobo ng Beijing.

Hindi lang ito isang simple ng lobo na nabibili natin sa bakuran ng simbahan, isa itong uri ng lobo na posibleng pagmulan ng gulo ng mga higanteng bansa. Binabanggit ng Amerika sangkaturak na antena at kable ang pinaputok nilang lobo na nasa air space na Estados Unidos. Isa raw itong spy balloon ng pangkat ni President Xi Jinping na kayang sumagap ng lahat ng komunikasyon at iba pang maselang detalye mula White House hanggang Honolulu.

Sabi naman ng Tsina, lobo lamang iyon ng pagsusukat at pag-aaral ng klima na walang kinalaman sa pamboboso kung anuman ang naganap sa Oval Office sa panahon nila Pareng Bill at Mareng Monica. Mula nang putukin ang lobo, naging lalong mainit ang dalawang bansa. Nagbanta ng pagganti ang China kaya iyong mga American company naman nasa kanilang teritoryo ang pinupuntirya. At tiniyak ng batang Tsino na gagawa ulit sila ng bagong lobo! Hindi pa sinabi kung anong kulay.

Hindi pa man natatapos ang lobo issue, sinabi na naman ni Biden na may binalatengga o pinabagsak ulit silang bagong object sa kalawakan na nasa 40 to 42k feet ang taas. Delikado raw ito dahil ito na ang altitude ng mga eroplano. Tama naman. Hindi naman nila sinabi kung kanino. Sigaw ng Pinoy: wala kaming alam dyan, a!

Totoo naman, hindi tayo makasali sa usapang ito kasi wala pa tayong kakahayang magpalipad ng lobo na magpapainit ng ulo ng Amerikano o ng Tsino. Bakit nga naman tayo sasabat, hindi pa nga tayo nagkakasundo kung killer ba ang condom kapag nasapo na niya ang semilya bago pa makarating sa itlog ng babae.

Isa lang ang sigurado rito kapag hindi lumamig ang ulo ng mga nagpapalipad-hangin sa pagitan ng Amerika at Tsina, magkakagulo tayo pare-pareho.

Huminahon kayo Pareng Joe and Pareng Xi, lobo lang yan, dami sa party needs n’yan!

Pero habang hindi pa sila tumitigil sa awayan dahil sa loob, kumanta na lang muna tayo:

Ako ay may lobo
Sabi’y namboboso
Di ko namalayan
Pinutok ni Biden

Sayang ang lobo ko
Na gawa ng Tsino
Kung sa condom sana, sumaya pa ako!

Nagbanta ang Tsino
Gaganti sa lobo
Gagawa ng bago
Pentagon ang gusto

Haynaku nanang ko
Giyera na ata ‘to
Hoy kano at tsino
Pumayapa kayo!

[email protected]