Sylvia

Arjo, ’di tatakbong mayor ng QC — Sylvia… aktres, excited magkaapo kina Maine at Ria

February 11, 2024 Vinia Vivar 165 views

Naghihintay na lang si Sylvia Sanchez na sabihin ng anak niyang si Arjo Atayde at ng misis nitong si Maine Mendoza na magkakaapo na siya.

Matagal nang sinasabi ni Ibyang na sabik na siyang magkaapo pero sa huling update ng aktres nang makausap namin last Saturday sa first anniversary ng Beautederm Headquarters sa Angeles, Pampanga, wala pang announcement ang mag-asawa.

“Wala pa namang lumalapit sa akin at sabihin sa aking ‘mama, magkakaapo ka na,” sey niya.

Pero hindi naman niya pine-pressure ang mag-asawa sa pagkakaroon ng baby.

“Buhay nila ‘yun, eh. Gusto ko, mag-enjoy sila. Gusto ko kasing magkaapo ako or magkaanak ang mga anak (ko) na ready na sila, alam mo ‘yun?” sabi pa ni Ibyang.

Hindi nga lang si Maine ang kinukulit niyang bigyan siya ng apo kundi pati ang anak niyang babae na si Ria Atayde, girlfriend ni Zanjoe Marudo.

Ang sagot lang umano ni Ria sa kanya ay “Mama, chill lang.”

Natanong nga rin si Ibyang kung may plano na bang pakasal sina Ria at Zanjoe at say ng award-winning actress, “Hindi ko alam kay Zanjoe, si Zanjoe ‘yan, eh. Sa kanya ‘yun, wala sa akin ‘yun.”

Siyempre, hindi niya pangungunahan ang aktor at hihintayin na lang niya ang mga plano nito at ni Ria.

“Hindi ko para pangunahan si Zanjoe, maghihintay ako kung ano ang gusto nilang dalawa. Sila ‘yan, eh.

“Dahil nanay ako, magiging mother-in-law o anuman, wala, ayokong pakialaman, ayokong pasukin ‘yung relasyon nila, bahala silang dalawa diyan,” sabi ni Ibyang.

As for Arjo, kinumpirma ni Ibyang na tatakbo ang anak sa next election bilang re-electionist. Kasalukuyang congressman si Arjo ng 1st district ng Quezon City.

Nilinaw niya na mali ang mga balita na tatakbo si Arjo bilang mayor ng Quezon City dahil hindi umano nito pwedeng kalabanin si Mayor Joy Belmonte.

“Hindi po tatakbo si Arjo nang mayor. Hindi niya pwedeng kalabanin ang taong tumulong sa kanya, ang taong nagtiwala sa kanya, ang taong nagmahal sa kanya, si Mayor Joy Belmonte,” she said.

Samantala, isa si Ibyang sa mga pioneer endorser ng Beautederm kaya nasaksihan niya ang paglago ng kumpanya mula nang itatag ito 15 years ago.

Masayang-masaya ang aktres sa tagumpay ng CEO at owner nito na si Rhea Anicoche-Tan and through the years ay mas lalo pang lumawig ang kanilang pagiging magkaibigan.

AUTHOR PROFILE