Daveara

Ara at Dave, palihim ang pagtulong

October 20, 2021 Ian F. Fariñas 239 views

Saksi ang ilang kaibigan press sa paghain ng asawa ni Ara Mina na si Dave Almarinez ng kanyang certificate of candidady (COC) sa pagka-kongresista sa lone district ng San Pedro, Laguna.

Ramdam ang sinseridad ni Dave sa kanyang pagnanais na magserbisyong muli sa bayang kanyang minahal at inaruga.

Kuwento nga niya, kahit wala namang eleksiyon ay patuloy siyang tumutulong sa kanyang mga kababayan pero hindi niya ito ipinaalam sa media o social media.

Bahala na raw ang taong magsabi tungkol sa kanilang mga naiambag na tulong sa kanilang lugar.

Pangako pa ni Dave, “Sa lahat ng mga taga-district 1 sa San Pedro City, nandito lang kami, hindi naman kailangan ng may eleksiyon para kami ay tumulong.

“Even without an election, for the past 14 years, talaga namang bukal sa puso namin ang pagtulong.

“Noong bago ko pa nga makilala ang aking maybahay, talagang bukal din sa kanya ang pagtulong, tumutulong na rin siya for the longest time.

“Alam niyo ’yung service really is coming from the heart, if it comes from the heart, it is really sincere and true. So walang ini-expect na kapalit.”

Si Ara naman, tumutulong ding palihim noon lalo na noong nagsimula pa lamang ang pandemya.

May mga ospital at organisasyon siyang pinaabutan ng mga PPE, pagkain at kung anu-ano pa.

Kaya malaking asset talaga siya sa San Pedro sakaling mapusuan ng mga mamamayan doon ang asawang si Dave sa eleksiyon.

Makakaasa ang San Pedro ng “mahusay, aktibo, progresibo at dalisay” na serbisyo mula sa orig na probinsyanong si Dave.

Paniniguro pa ni Ara, “’Andito lang ako para sa asawa ko, susuportahan ko siya hangga’t sa makakaya ko, basta ang masasabi ko lang, hindi kayo magsisisi kung sakaling siya ang piliin niyo.”

AUTHOR PROFILE