Anting- anting mula sa Kanluran
BINABATI natin ang lahat ng lumahok sa Joint International Decade of Indigenous Languages and International Mother Language Day (IMLD) Conference na ginanap sa Caraga State University, Butuan City, Agusan del Norte nitong Pebrero 23-25, 2024. Ang Talaytayan MLE, Tebtebba , Caraga State University Butuan, Agusan del Sur State College of Agriculture and Technology, at Philippine Normal University ang mga nag-organisa ng komperensiya.
Ang IMLD ay nag-umpisa noon 2000 pagkaraan maaprubahan ito ng UNESCO General Conference sa inisyatibang Bangladesh na namatayan ng mga kababayan na martir sa wikang Bangla na pinaslang ng mga taong gobyerno na ayaw ipagamit ang wika nila. Naniniwala ang UNESCO sa kahalagahan ng pagkakaiba-iba ng kultura at wika para sa mgalipunan.
Sa buong mundo, 40 porsyento ng populasyon ay walang mapasukang edukasyon na gamit ang wika na kanilang sinasalita o naiintindihan. Gayunpaman, ang pag-unlad ay ginagawa sa multilinguwal na edukasyon na may lumalagong pag-unawa sa kahalagahan nito, lalo na sa pag-aaral sa mga unang baitang, at higit na pangako sa pag-unlad nito sa pampublikong buhay.
Ayon sa UNESCO, “Malinaw ang mga siyentipikong pag-aaral: ang pag-aaral sa sariling wika ay mahalaga sa tagumpay sa paaralan. Pinapalakas nito ang pagpapahalaga sa sarili, pinupukaw ang pagkamausisa mula sa isang maagang edad, at pinapadali ang pag-unlad ng pag-iisip. Ang pagtataguyod ng multilinguwalismo sa mga paaralan ay nangangahulugan din ng pagpapanatili at pagtataguyod ng pluralidad ng linguwistika, lalo na tungkol sa mga wika na mayroon na lamang ilang natitirang nagsasalita.”
Nakakalungkot at marami pa rin tayong mga kababayanang ayaw sa multi-linguwalismo sa kabila ng ebidensya ng bisa nito sa edukasyon at sa pagpapanatili ng mga wikang Pinoy. Para sa pulutong na ito, mababang uri ang mga wikang Filipino na gamit ng mga walang pinag-aralan, mga jolog at hoi polloi. Hindi ito “sosyal.” Sa mga “inglesirong” akademya, hindi ito pang-akademiko.
Ang pulutong na ito ay hambog na ipinagyayabang na lamang daw sa Asya ang Pilipino sa wikang English. Ito ay pinababalintuanan ng mababang mga marka ng mga bata sa PISA 2018 at 2022 , at matamlay na foreign direct investments sa Pilipinas kung ikukumpara sa mga bansang hindi naman mga Inglesero tulad ng China at Vietnam.
Sinabi ni Dekano Antonio P Contreras (2014) na isa sa mga trahedya ng isang kolonisadong lipunan tulad ng Pilipinas ang kawalan ng matatag na pambansang salaysay na tumatagos sa buhay. Ito ay pinalala ng isang pagtatangi na anting-anting ang lahat ng bagay na Kanluranin, na humahantong sa pagyakap sa wika at pamumuhay ng mga kolonisador kesa sa likas na wika at kultura. Ang kolonisasyon ay isang proseso ng paglilipat ng pagkakakilanlan, dahil epektibo nitong ginawa ang ating mga dating sarili bilang ating bagong “iba,” kahit na ang ating kolonyal na “iba” ay nagiging bahagi na ngayon ng ating post-kolonyal na mga sarili. Sa kontekstong ito, ang Ingles bilang wika ay hindi na “iba.” Sa katunayan, para sa marami, ang mga wikang Filipino na ngayon ang “iba.”
Ang sukdulang sumpa ng kolonisasyon na nananatili hanggang ngayon ay ang pagturing sa wika ng kolonisador na isang mas katanggap-tanggap na tagapag-isa ng ating mgakababayan, kaysa sa wikang Filipino na bunga ng labis na hinanakit dahil sa pagiging wika ng mga Tagalog, na di naman iba sa ating pagkatao dahil isa ito sa ating 170 wika.
Ang kaisipang nilason ng kolonisasyon ang masahol na kalaban ng multi-linguwalismo na walang dudang mabisang sangkap ng reporma sa edukasyon. Sana ay di maglubay ang ating mga kapanalig sa kilusang ito para magapi ang kamangmangan na hatid ng mga anting- anting mula saKanluran.