Default Thumbnail

Ang kontrabida sa buhay ng mahihirap

January 27, 2024 Magi Gunigundo 120 views

Magi GunigundoISANG konkretong hakbang upang mapababa ang inflation rate ng administrasyong Marcos ang Executive Order No. 41 (na nagkabisa noong Setyembre 28, 2023), na nag-uutos sa mga lokal na pamahalaan (LGU) na suspindihin ang kanilang koleksyon ng “pass – through fees” sa mga biyahero ng gulay, isda, manok, itlog, baboy, bigas at iba pang pagkain mula sa bukid hanggang sa pamilihan bayan upang matiyak ang daloy at hatid ng mga kalakal at ani sa buong bansa at maalis ang dagdag na gastos ng mga prodyuser ng pagkain na sa huli ay pinapasan ng mga mahihirap.

Ang DILG, kasama ang DTI, DoTr, DPWH, DoF at ARTA ay inutusan na pagsama-samahin ang lahat ng mga ordinansa ng LGU at aralin upang matiyak na ang mga ordinansa ay naaayon sa Local Government Code (LGC) sa loob ng 30 araw mula sa bisa ng EO 41.

Mayroong administratibong parusa ang mga LGU opisyal na hindi sumunod.

Diniin ng EO 41 s.2023 na batay sa Seksyon 133(e) at (l), LGC, bawal sa mga LGU ang magpataw ng buwis sa mga produkto at sasakyan na naghahatid ng mga ito sa kani-kanilang teritoryo.

Ang Seksyon 133(e) RA 7160 o LGC ay hango sa Seksyon5(j) ng PD 231 na hinango naman sa Seksyon 2287 ng Revised Administrative Code ng 1917. Ang katwiran ng batas ay upang hindi mahadlangan ang malayang daloy ng komersyo sa bansa, at hindi magdulot ng malaking pagtaas sa mga presyo ng mga bilihin (DoF Provincial Circular na walang numero na may petsang Abril 17, 1947).

Pinaalalahanan ang mga lokal napunong ehekutibo na mahigpit na sundin ang LGC (DILG M.C No. 2009-76) at ang DILG MC 2008-112 na hindi kasama sa truck ban ang mga trak at mga delivery van na may dalang bigas at iba pang nabubulok na bagay tulad ng isda, gulay, gatas at manok at baboy, at frozen na mga produkto ng karne, mga feed ng hayop at mga produktong pang-export (Ursal, PH Law on Local Government Taxation p.49,50 ©2010).

Ang mga desisyon ng Korte Suprema ay di-nagbabago sa pagpapawalang bisa ng mga ordinansa ng LGU na taliwas sa batas tulad sa mga sumusunod: Wise & Co v City of Manila, Abril 25,1958; Saldana v City of Iloilo,Sept 27,1957; Panaligan et.al v City of Tacloban,Setyembre 27,1957; Zamboanga Copra Procurement Corp v City of Zamboanga,Hulyo 30,1960.

Ang Seksyon 133(l) ay nagbabawal sa mga LGU na mangolekta ng mga buwis , bayad o singil para sa pagpaparehistro ng mga sasakyang de-motor at para sa pag-iisyu ng lahat ng uri ng mga lisensya o permit para sa pagmamaneho nito; maliban sa tricycle. Hindi tungkulin ng LGU na tukuyin ang roadworthiness ng mga sasakyang de-motor. (Vega v Mun. Lupon ng Iloilo, Mayo 12, 1954).

Nakalulungkot ang balita na mayroon pa rin mga LGU ang pasaway sa kabila ng mga hakbang mula sa pambansang pamahalaan upang isulong ang pagsususpinde ng pass-through fees. Sinabi ni United Broilers Raisers Association Inc. (Ubra) President Elias Jose Inciong na nagkaroon ng problema ang mga miyembro nila sa quarantine policy sa pagbiyahe ng mga hayop sa lalawigan ng Nueva Ecija tulad ng mga isang araw na sisiw. Sinabi ni Inciong na magkakaiba ang istandard ng mga LGU, at nakakapagod at masalimuot ang pagkuha ng veterinary certificate kahit walang avian flu outbreak. Nililimitahan din ng LGU ang dami ng mga kalakal na maaaring ibiyahe ng sasakyan. Nagreresulta ito sa maraming biyahe, na nagdudulot ng mga pagkaantala at karagdagang gastos sa gasolina at lakas-tao.

Seryoso ang Pangulong Marcos Jr para maipapababa ang inflation rate para makatikim ng kaunting ginhawa ang mahihirap. Ang mga ayaw sumunod sa batas at EO 41 s 2023, ang mga nagpapalala ng inflation rate kaya sila ang mga kontrabida sa buhay ng mahihirap. Hindi dapat mag-atubili ang DILG na sampahan ang mga kontrabidang ito ng kasong administratibo para magtanda.

AUTHOR PROFILE