Andi

Andi nangungulila kay Jaclyn

March 12, 2024 Vinia Vivar 101 views

Ramdam na ramdam kay Andi Eigenmann ang pangungulila sa namayapang inang si Jaclyn Jose.

Sa Instagram ngayong Martes ay nag-post ang dating aktres ng mensahe sa pumanaw na ina at ipinahayag kung gaano niya ito nami-miss kasabay ng pagpapasalamat sa pagmamahal at paggabay sa kanya.

“Higit pa sa sapat ang itinira mong pagmamahal para kami ay hindi mangulila. Habang buhay kong dadalhin ang iyong mga ala-ala. Maraming salamat sa iyong gabay, Nay.

“Sa kahit saang parte ng aking buhay parati kitang madarama. Parati kitang makikita,” pahayag ni Andi.

Nirepost din ng dating aktres ang ginawa niyang tula para sa ina matapos ang pagpanaw nito noong March 2.

“Ika’y nasa araw, sa ulan, at sa hanging aking nilalasap. Umaawit ng kantang puno ng pag- asa at ligaya. Wala na ang sakit. Wala na ang takot.

“Matatanaw pa rin kita sa mga ulap, at maririnig ang mga bulong ng iyong pagmamahal. Magkikita din tayong muli.

“Sa ngayon diringgin ko muna ang iyong mga awit,” ang nakasaad sa tulang nilikha ni Andi.

“Nasa paraiso ka na, Nanay. Pahinga ka na,” ang pamamaalam pa ng dating aktres sa ina.

Naihatid na sa huling hantungan ang mga labi ni Jaclyn last Sunday at naging pribado ang naganap na inurnment na dinaluhan lang ng pamilya, kaanak at malalapit na kaibigan.

Sa kwento ng kaibigan ni Jaclyn na si Jo Macasa sa “TV Patrol,” habang nagaganap ang inurnment ay may paru-parong ayaw umalis at paikut-ikot sa kanilang lahat.

Ayon kay Jo, panay ang dapo ng butterfly sa kanya at gusto niyang paniwalaan na si Jaclyn ito.

“I wanna believe it was her. I find comfort in thinking na siya ‘yun,” aniya.

Viral din ang video kung saan ay dumapo kay Coco Martin ang paru-paro habang ginaganap ang inurnment.

“Tita Jane,” ang sabi ni Coco na kinakausap ang butterly. “I love you,” aniya.

AUTHOR PROFILE