Alvarado

Alvarado: Epektibong serbisyo, paglilingkod ang kailangan

April 5, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 301 views

NAIS ni Bulacan gubernatorial candidate Willy Sy-Alvarado na maibalik ang isang epektibong paglilingkod sa lalawigan para makabangon muli sa mga problemang kinakaharap nito sa kasalukuyan.

Ayon kay Vice Governor Willy Sy-Alvarado, “Tayo po ngayon ay nasa sangandaan na ang hinaharap natin ay walang kasiguruhan, nasa isang barko na ang tubig sa dagat ay hindi tahimik, madaluyong at malaki ang alon dahil may parating na bagyo.”

Inilarawan ng Presiding Officer ng Sangguniang Panglalawigan na kinakailangan ng mga timon na magpapatakbo ng barko o kapitan na may karanasan, kaalaman at kakayahan.

Nilinaw ni Alvarado na ito ang dahilan kaya ipatawag siya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para tumulong sa administrasyon na makahanap ng mga solusyon sa iba’t-ibang problema ng bansa.

Sa kanyang siyam na taong panunungkulan bilang gobernador ng lalawigan, sinabi ni Alvarado na naging bahagi siya ng solusyon ng bansa.

Tinukoy niya “Kung dumarating ang mga kalamidad tayo po ang tumutulong sa ibang mga lugar sa bansa at kung may kalamidad tumatayo ang lalawigan sa sariling mga paa.”

Giit pa ng gubernatorial bet na “Ibabalik po natin ang dating panunungkulan na tinatanggap ang mga taga-lalawigan, walang sinisino, walang malakas at hindi kakampi kundi ama ng lalawigan na aniya’y kailangang pantay-pantay.”

“Ibabalik po natin sa ating ospital ang isang epektibong paglilingkod na may paggalang, kumpleto sa gamot at gamit,” dagdag pa ng kandidato ng UniTeam BBM-Sara tandem.

Ikinalungkot ng bise gobernador kung bakit pinagbabayad ang mga pasyente at pinabibili pa ng gamot gayong may 10 milyong pisong revolving fund na ipinagkakaloob si Pangulong Duterte kada buwan.

Aniya, hindi nangyari ang ganitong sitwasyon noong kanyang panahon.

AUTHOR PROFILE