Alden

Alden, magpu-focus sa investments ngayong 2022

January 15, 2022 Ian F. Fariñas 202 views

NAKABALIK na nga ng bansa si Alden Richards matapos ang ilang linggong pagbabakasyon sa Amerika at isa sa magagandang balita na sumalubong sa kanya ay sold out na ang upcoming benefit docu concert niyang Forward: Meet Richard Faulkerson Jr.

Sa pa-welcome virtual mediacon ng Kapuso network para sa aktor kahapon, sinabi niya na walang dapat ipag-alala ang mga gustong manood ng maiden offering ng AR Foundation dahil gagawan nila ng paraan ng kanyang team na makapagbukas pa ng slots para sa mga ito.

Sa January 30, 8 p.m., nakatakdang ganapin ang Forward… sa ilalim ng direksyon ni Frank Lloyd Mamaril.

Siyempre, maliban dito ay laking tuwa rin ni Alden na tumanggap ng positive feedback at namayagpag din sa rating ang katatapos niyang serye na The World Between Us kasama sina Jasmine Curtis at Tom Rodriguez.

Kaya naman nang tanungin kung ano ang kanyang naging birthday wish for 2022, sinabi niya na wala na siyang gaanong wish para sa sarili dahil sobrang blessed niya the past year.

Steady na lang daw sana at stability ang hiling ni Alden ngayong taon para dumami pa ang matulungan at masuportahan niya at ng AR Foundation.

Pagdating sa personal na buhay, sinabi ng aktor na mahirap namang mag-assume kaya gaya ng binitawan niya the past years, hihintayin na lamang niyang dumating ang tamang panahon para sa iba pang mga bagay sa buhay niya marahil kasama na ang lovelife.

Masaya naman daw ang naging bakasyon ni Alden sa Amerika dahil nakasama niya ang ilang kamag-anak at kaibigan sa sandaling naroon siya.

Kwento pa ng aktor, ibang-iba nga ang set-up ng foreign trips ngayon mula sa protocols sa airport at maging sa pamamasyal sa ibang bansa.

Aniya, “Doon po, normal na parang nag-lift na sila ng mandate sa face mask. ’Pag nasa labas, hindi na kailangang magsuot ng mask, pero ’pag pasok sa mga tindahan, sa loob, du’n lang required ang face mask.”

Simple pero masaya raw ang naging pamumuhay niya sa US dahil walang gaanong nakakakilala sa kanya doon maliban sa ilang lugar na may mga Pinoy.

Kaya para kay Alden, na-achieve naman niya ang objective ng kanyang bakasyon at naging normal lang siyang turista, hindi artista, sa Amerika.

Anyway, ngayong 2022, bukod sa benefit docu concert, eh, mamimigay din siya ng tulong para ma-rebuild ang bahay ng limang pamilya na naapektuhan ng bagyong Odette.

Magbubukas din ang AR Foundation ng mga bagong slot para sa new scholars na as of last count ay nasa 12 na’t dalawa na ang college graduates.

Pagdating sa kanyang mga negosyo, balak ni Alden na mag-expand at mag-focus sa kanyang mga investment ngayong 2022.

Diin niya, hindi niya hahayaan na maunsyami ng pandemya ang mga plano niya sa buhay at negosyo.

AUTHOR PROFILE