Dizon

MPD nakabingwit halos 1K suspek

February 8, 2023 Jonjon Reyes 577 views

Sa loob lamang ng 24 oras

TINATAYANG aabot halos sa isang libong indibidwal ang nakalaboso ng mga pulis Maynila sa loob lamang ng 24 oras sa iba’t-ibang kaso at paglabag sa sari-saring mga ordinansa nitong Martes ng madaling araw sa Lungsod ng Maynila.

Sa accomplishment report ni Manila Police District (MPD) Director Police Brigadier Gen. Andre P. Dizon, ang malaking bilang ng mga nahuli ay dulot ng pinaigting na pagpapatrolya ng mga tauhan ng may 14 na istasyon sa lungsod mula madaling araw ng Pebrero 7 hanggang madaling araw ng Pebrero 8.

Sa ikinasang anti-illegal drug operations, 12 ang may kinalaman sa bawal na gamot, makaraang marekober ng may 16.2 gramong shabu na may street value na P79,560.

Pinakamarami ang 433 suspek ang nahuling lumabag sa sa “Smoking in Public Places” kasunod ang 201 sa paglabag sa Traffic Management Code, at 200 iba pa na walang suot na pang-itaas sa pampublikong lugar.

Nasa 91 indibidwal rin ang dinampot dahil sa obstruksyon, 53 sa paglabag sa curfew, at 14 sa pag-inom ng alak at pag-ihi sa mga pampublikong lugar.

Sa anti-illegal gambling operations, pitong suspek ang nahulog at sampung wanted sa batas ang hinainan ng arrest warrants ng MPD.

AUTHOR PROFILE