Default Thumbnail

May kontribusyon din sa bayan si Pacman

June 16, 2021 Allan L. Encarnacion 1376 views

Allan EncarnacionMALALIM ang pinagmumulan ng hugot ni Senador Manny Pacquiao sa kanyang pakikipag-one on one kay Anthony Taberna sa Youtube at FB live nitong nakaraang Linggo lang.

Maraming hinanakit si Pacman sa mga nasa gobyerno na nagmamaliit sa kanya, kasama na ang mga bashers na ginawa nang libangan ang panlalait sa kapwa sa maghapon.

Ramdam natin ang sama ng loob ni Manny dahil para nga naman siyang walang ambag sa bayan. Hindi naman maikakaila na makailang ulit niyang naitaas ang bandila ng Pilipinas sa kanyang mga laban.

Sa totoo lang kasi, itong social media, kung may mga buting nagawa sa atin bilang tao, marami rin itong naidulot na kasamaan sa marami sa atin.

Palagi kong sinasabi na lahat tayo ay may kalayaan subalit hindi ito matatawag na ganap o absolute freedom. Ang problema kasi sa socmed, lahat ay biglang naging instant political analyst, lahat sports analyst, lahat scientist, lahat ay biglang naging mga genius.

Hindi mo na rin nga malaman kung sino ang totoong journalist or mga nagpapanggap lang. Kunsabagay, madali namang maihiwalay ang totoong responsableng journalist sa mga bogus lang.

Kung titingnan mo ang social media, parang palaging may lumilipad na bala na puwedeng tumama sa iyo kahit wala ka man lang kinalaman sa giyera nila.

Katulad halimbawa ng ginagawa ng iba kay Pacman na madalas ay below the belt na ang banat. Sa parehas na pagtingin, may malaking kontribusyon si Manny kung bakit ang Pilipinas ay nakilala sa buong mundo. Maraming mga ibang lahi sa buong mundo na mas kilala pa nga si Pacman kaysa Pilipinas.

Pride natin si Manny kahit ano pa ang ating sabihin. Maaring ayaw nyo si Manny bilang senador o bilang kandidatong Pangulo sa 2022 pero hindi pa rin ito dahilan para alipustahin siya.

Naniniwala akong inspirasyon ng marami sa ating mga kababayan si Pacman na nagmula sa hirap hanggang maging tanyag at yumaman. Hindi tama na maliitin natin siya sa kahit ano pang larangan.

Simple lang naman ang buhay, kung ayaw mo sa kanya, hindi naman ito dahilan para murahin siya o maliitin. Sa tingin natin, kumokonti na ang populasyon ng mga sibilisadong tao dito sa ating bayan dahil sa social media.

Kaya kung gusto mong makilala ang tunay na pagkatao ng mga nasa social media, basahin mo ang kanilang mga komento at mga reaksiyon sa isyu. Tingnan mo rin kung paano sila manlait ng kanilang kapwa nang walang pakialam.

Kapag ganyang klase ng mga tao ang makikita mo, alam no nang kasama iyan sa mga headless mob o mga taong hindi nag-iisip basta may masabi lang.

[email protected]