Default Thumbnail

Online seller timbog sa nakaw na motorsiklo

January 5, 2023 Melnie Ragasa-limena 186 views

NADAKIP ng pulisya ang isang online seller matapos na magbenta ng nakaw na motorsiklo sa Barangay Balingasa, Quezon City, Martes ng gabi.

Ayon kay Quezon City Police District Director Police Brigadier Gen. Nicolas Torre III, ang suspek na taga-Bgy. Balon Bato, Quezon City, ay nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Talipapa Police Station (PS 3) at La Loma Police Station (PS 1).

Sa report ni P/Lt. Col. Mark Janis Ballesteros, station commander ng PS 3, noong Nobyembre 6, 2022, nagreklamo ang isang babaen biktima na ang kanyang gray at orange na Yamaha Mio MXi motorcycle ay ninakaw habang nakaparada sa kanyang tahanan sa Bgy. Tandang Sora.

Nitong Enero 3, 2023, nagulat si Alcantara nang makitang ibinebenta ang kanyang motorsiklo sa Marketplace section ng Facebook.

Dahil dito, agad na nagsumbong ang biktima sa mga tauhan ng PS 3 na agad namang nagkasa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nakumpiska din sa suspek ang isang sumpak na loaded ng isang 12 gauge ammunition.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa PD (Presidential Decree) 1612 o Anti-Fencing Law at RA (Republic Act) 10591 o Illegal Possession of Firearm and Ammunition.