QCPD Kuha ni MELNIE RAGASA-JIMENA

9 ‘illegal occupants’ kakasuhan ng QCPD

June 16, 2024 Melnie Ragasa-limena 187 views

INIHAHANDA na ang mga kasong isasampa laban sa siyam na tao na diumano’y ilegal na umukupa sa isang bahay sa Quezon City noong Sabado.

Ang mga suspek, anim na lalaki at tatlong babae, ay nakatakdang sampahan ng mga kasong qualified trespass to dwelling, malicious mischief at alarm and scandal.

Ayon sa Project 4 police station ng Quezon City Police District (QCPD), inokupa ng mga suspek ang isang bahay sa Magat Salamat St. sa Brgy. Marilag.

Lumilitaw sa paha­yag ng ilang residente na dating nangungupahan ang isa sa mga suspek sa nasabing bahay.

Dakong alas-7:00 ng gabi noong Biyernes nang dumating ang dating nangungupahan kasama ang anim na iba pa at nagpaalam sa may ari ng bahay kung pwede silang mag-inuman at pinayagan naman ng may-ari.

Pero makalipas ang ilang oras, pinadlock na umano ng mga suspek ang naturang bahay at pinalabas ang mga nakatira dito.

Sinasabi umano ng mga suspek na sila ang nagmamay-ari ng bahay at hawak nila ang ilang mg dokumento.

Unang inakala na hostage taking ang insidente kaya naging maagap ang QCPD sa pagpapadala ng special weapons and tactics (SWAT) team.

Ilang kalye malapit dito ang bahagyang isinara para hindi madaanan ng mga motorista at malapitan ng ibang sibilyan.

Pasado alas kuwatro ng hapon nitong Sabado napasok ng mga miyembro ng QCPD SWAT at naaresto ang mga suspek.