MPD Nagbigay direktiba si P/Lt. Col. Orlando Mirando Jr., MPD Sta. Ana PS 6 commander, sa mga kapulisan na pag-ibayuhin ang ‘peace and order’ sa nasasakupang lugar. Kuha ni Jon-jon Reyes

6 timbog sa San Andres anti-crime ops

February 24, 2023 Jonjon Reyes 792 views

NAGSAGAWA ng pina-igting na operasyon kontra ilegal na droga at pagsusugal ang Manila Police District (MPD) Sta. Ana Police Station (PS) 6 sa magkahiwalay na lugar sa San Andres Bukid, Maynila, Biyernes ng madaling araw.

Unang ikinasa ang buy-bust operation ng mga tauhan ni P/Lieutenant Col. Orlando Mirando Jr., station commander ng Sta. Ana PS 6 sa panulukan ng Zobel at Onyx Streets sakop ng Barangay 775 Zone 83 sa San Andres Bukid.

Natimbog ang target sa operasyon ang 42-anyos na suspek na nakatira sa naturang lugar, sa pangunguna ni P/Capt. Jay Michael Querubin, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU).

Kabilang sa mga naaresto ang dalawa nitong kasamang kalalakihan, kapwa nasa edad 29-anyos sa inilatag na operasyon, 2:40 ng madaling araw.

Nakumpiska ang apat na plastic sachets ng shabu na tumitimbang ng tatlong gramo at may street value na P20,400.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, namataan naman ng mga operatiba ng MPD PS 6 ang isang grupo ng kalalakihan na nag susugal ng “cara y cruz” sa Crisolita St. sakop ng Bgy. 767 Zone 83 sa San Andres Bukid.

Matapos sumulpot ang mga kapulisan ay nagpulasan ang mga nagsusugal umano at tatlo sa mga ito ang naaresto.

Nahulihan ang isang indibidwal ng balisong na nakasukbit sa baywang matapos ito kapkapan ng mga operatiba.

Naging mabunga ang naging operasyon ng MPD PS 6 bilang pagtalima sa programa ni MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon na “Oplan Galugad” at Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO).

AUTHOR PROFILE