Saging

50 estudyante nalason sa pritong saging!

May 24, 2023 Zaida I. Delos Reyes 335 views

AABOT sa 50 estudyante ang isinugod sa pagamutan matapos malason umano sa kinaing pritong saging na binili sa kanilang eskwelahan sa M’lang, North Cotabato.

Ang mga biktima ay mga mag-aaral ng Perez Elementary School na matatagpuan sa bayan ng M’lang.

Sa inisyal na ulat, nakaranas ng pananakit ng tiyan ang mga bata makaraang makakain ng pritong saging na nahaluan ng tawas o alum powder.

Paliwanag ni M’lang Municipal Health Officer Dr. Glicerio Sotea Jr, batay sa kanilang pagsusuri, sa halip na asukal ay tawas ang nabili at nagami ng food vendor na gumawa ng pritong saging o pinaypay na saging na siyang nabili at nakain ng mga bata.

Ikinabahala naman ng mga magulang, guro at mga barangay officials ang insidente.

Sa panig ng principal ng paaralan na si Maria Elna Jontongco, sinabi nito na tiwala sila sa kanilng mga food vendors dahil dumaan ang mga ito ng training o pagsasanay sa food handling.

Mas susuriin daw na raw nila ang ibinebentang pagkain sa loob ng kanilang eskwelahan.

Sa ngayon, 15 na lamang sa 50 estudiyante na dinala sa pagamutan ang under observation pa.