Default Thumbnail

Preemptive evacuation sa Batanes, Cagayan inaasahan sa pagpasok ni Mawar — OCD

May 24, 2023 Zaida I. Delos Reyes 186 views

INAASAHANG magpapatupad ng preemptive evacuation sa mga coastal towns ng Batanes at Cagayan habang papalapit na sa Philippine Area of Responsibility IPAR) ang bagyong Mawar.

Ito ang sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) spokesperson Assistant Secretary Bernado Rafaelito Alejandro IV nitong Miyerkules.

“Based sa forecast, kasi itong tinutumbok niyan Batanes and parts of Cagayan so possibility pa lang na magkaroon ng preemptive,” pahayag ni Alejandro.

Ang preemptive evacuation aniya ay posibleng isagawa ngayong linggo batay sa desisyon ng local disaster risk reduction and management councils.

Tiniyak naman ng opsiyal na naka-posisyon na ang mga relief goods sa Batanes at Cagayan habang ang karagdagang supplies ay handa na rin sa Central Luzon.

Sa pinakahuling ulat ng PAGASA nitong Miyerkules, si Mawar ay nanatiling nasa labas ng PAR at humina na mula sa super typhoon sa typhoon na lamang subalit posible paring bumalik ito sa pagiging super typhoon.