Default Thumbnail

5 sasakyan natiketan ng LTO-FED sa Batasan Road

August 22, 2022 Jun I. Legaspi 524 views

LIMANG pampubliko at pribadong sasakyan ang natiketan ng mga tauhan ng Land Transportation Office-Field Enforcement Division (LTO-FED) sa inilunsad na operasyon sa bahagi ng Batasan Road, Quezon City sa unang araw ng pagbubukas ng “face-to-face” classes sa buong bansa.

Ang isang pampasaherong bus na may biyaheng Montalban-Quezon ay pinagmumulta ng LTO dahil sa mga depektibong wiper, signal light, at nakatagong plate number nito.

“Overloading” o sobra-sobra sa pasahero naman ang isa pang bus na sinita at natiketan ng LTO.

Maliban dito, mayroong tatlong drayber ng motorsiklo ang pinagmumulta matapos na mahuling walang suot na helmet.

Partikular na inilunsad ang operasyon ng LTO malapit sa Batasan National High School at ng President Corazon Aquino Elementary School bilang bahagi ng pakikiisa ng ahensiya sa pagpapanatili ng maayos at ligtas na pagbiyahe ngayong unang araw ng pagbubukas ng klase.

Ayon kay Farish Lim, Officer-in-Charge (OIC) ng LTO-FED, nilalayon ng kanilang operasyon na maipaalala sa mga motorista ang kahalagahan ng “road safety” o kaligtasan sa lansangan.

Mayroon din aniyang ilang drayber ng motorsiklo at traysikel na punuan o overloaded na ng sakay na mga estudyante ang pinababa na lang muna ng LTO at binigyan ng babala na mapagmumulta na kapag naulit ang paglabag.

Tiniyak naman ni Lim na magpapatuloy ang katulad nilang operasyon sa mga susunod na araw para ikampanya ang kaligtasan sa mga lansangan.

Maliban sa National Capital Region (NCR), may katulad ding kampanya para sa road safety ang inilunsad ng LTO sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.

AUTHOR PROFILE