OFW

Pilot recruitment ng caregivers sa Korea inilunsad ng DMW

May 3, 2024 Jun I. Legaspi 241 views

INILUNSAD ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pilot project nito na naglalayong makapag-recruit ng 100 caregivers sa ilalim ng Employment Permit System (EPS) sa pagitan ng Pilipinas at Republic of South Korea.

Layun ng proyekto na palawakin ang bilateral labor ties ng Pilipinas at Korea at pag-aralan ang posibilidad ng mas malaking caregiver deployment plan.

Makikinabang sa proyekto ang mga pamilya sa Korea na nangangailangan ng mag-aalaga sa kanilang mga anak, kabilang na ang mga sanggol, mga buntis, single parents o ang mga dual-income couples.

Magbubukas naman ito ng mga bagong oportunidad sa mga Pinoy caregivers, ayon sa DMW.

Kinakailangan lamang magpresinta ang mga nagnanais na mamasukan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) NC II Caregiving Certificate at nasa pagitan ng 24 at 38 taong gulang.

Sasailalim ang mga aplikante sa komprehensibong medical, psychological, language at physical tests bukod pa sa pre-departure at post-arrival training sessions habang dadalo rin ang mga prospective Korean families sa orientation sessions.

Itinakda ang registration sa May 9-10, 2024 at pinapayuhan ang mga interesado na bisitahan ang Pre-Employment and Government Placement Bureau (PEGPB) FB page sa www.facebook.com/pegpbinaction o tumawag sa +63 2 87221146 at +63 2 87221181.

AUTHOR PROFILE