Default Thumbnail

5 patay, 1 sugatan sa kidlat sa Davao del Sur

April 10, 2023 Zaida I. Delos Reyes 376 views

LIMANG tao ang nasawi habang isa ang sugatan matapos na tamaan ng kidlat habang namamasyal nitong Linggo ng hapon sa Bgy. Binaton sa Digos City, Davao del Sur.

Nakilala ang mga nasawi na sina Glendelle Joy Villcino, 17; Valerie Asutilla, 23, John Gabriel Hersania ,15: Geramie Cartagena 18 at Jonmel Galicia,15.

Sugatan subalit nakaligtas sa insidente si Clarence Cate Chato, 21.

Batay sa ulat ng Digos City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), nagtungo ang mga biktima sa Camp Madeg’ger upang mamasyal sa kasagsagan ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Dahil malakas ang ulan, nagpasya ang mga biktima na magpatila ng ulan sa isang kubo subalit biglang kumidlat at tinamaan ang poste ng kubo dahilan upang tumilapon ang mga biktima palabas.

Dead on the spot ang lima sa biktima habang sugatan ang isa nilang kasama na nagtamo ng minor burns at may sintomas ng hypothermia.

Ayon sa survivor, masakit ang binti nito at masakit idilat ang kanyang mga mata.

Kaugnay nito, pinayuhan naman ng DRRMO ang publiko na kung malakas ang ulan na may kasamang pagkidlat ay iwasan na ang pagpunta sa matataas na lugar at open spaces.