Azurin

405 na suspek huli sa N. Mindanao anti-crime ops

December 9, 2022 Zaida I. Delos Reyes 99 views

UMABOT sa 405 na “wanted persons” ang naaresto ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) Police Regional Office (PRO) 10 sa 30-araw na anti-criminality operation sa Northern Mindanao.

Batay sa ulat ni PRO 10 Director P/Brig. Gen. Lawrence B. Coop, tumaas ng 24% ang bilang ng naarestong wanted persons kumpara sa mga nahuli noong mga nakalipas na buwan.

Kaugnay nito, pinuri ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang tagumpay ng mga pulis sa Northern Mindanao dahil sa umano’y positibong resulta ng kanilang kampanya laban sa illegal na droga kung saan sa 172 operasyon ay umabot sa 212 drug personalities ang naaresto, 644.844 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P4,384,939.20 ang nakumpiska habang 97.880 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P11,745.60 ang nakuha.

Bukod dito, umabot din sa 159 kaso ang naisampa sa korte.

Iniulat din ni Coop na sa 52 operasyon laban sa loose firearms ay 332 indibidwal ang naaresto, 69 firearms ang na-recover, 38 firearms ang isinuko at 30 kaso ang naisampa sa korte.

“I highly commend the operational undertakings of our PRO 10 personnel on our campaign against illegal drugs, illegal gambling, loose firearms and most wanted persons that have achieved encouraging and fruitful results while remaining faithfully compliant to the requirements of due process, human rights and the rule of law,” pahayag ni Azurin.

Sa kampanya naman laban sa “communist terrorist group,” umabot sa tatlong rebelde ang arestado, 21 ang sumuko, pitong baril, at isang improvised explosive device (IED) ang nakumpiska, samantalang tatlong engkwentro ang naitala na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang rebelde.

“Let us sustain our efforts together with our strong will and determination to pursue good governance and our commitment to [building] a more stable and peaceful future for the Filipino people and our country,” dagdag ni Azurin.