4 suspek timbog sa buy-bust, mahigit P5M shabu narekober

November 27, 2021 Francis Naguit 64 views
Shabu
P5M SHABU NAREKOBER – Pinasalamatan at pinuri ni MPD Director, Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco si PLt. Col. Harry Ruiz Lorenzo III, commander ng MPD Station 7 sa Jose Abad Santos, Manila, matapos na matagumpay na narekober ang mahigit sa P5 million halaga ng shabu at naaresto ang apat na katao kabilang ang isang babae sa isinagawang buy-bust operation sa Tondo, Manila. Kuha ni JON-JON REYES

Arestado ang apat na katao kabilang ang isang babae sa isinagawang buy-bust operation ng Manila Police District (MPD) Police Station 7 sa Tondo, Manila.

Gamit ang dalawang original na tig-isang libong piso na mistulang bundle ang ipinakita sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba upang maibili ng droga bago pa man isinagawa ang buy-bust, kung saan natimbog ang apat na tao kabilang ang isang babae sa nasabing lugar Biyernes ng hapon.

Pasolk sa kulungan ng MPD-Jose Abad Santos Police Station 7 ang apat na suspek na nakilalang sina Jose Dantes Raymundo, 44, may asawa, jobless, ng 59 Galizia Ext., Bangkulasi, Navotas City; Robert Justiniani Jr., 30, binata, driver, ng 260 Int. 22 Dayao St., Balut, Tondo; Rommel Ortilano, 28, driver, binata, ng 241 T Santiago St., Bienteriales, Valenzuela City; at isang Malyn Alexisse Ong, dalaga, ng Galizia Ext., Bangkulasi, Navotas City.

Batay sa ulat ni PLt. Col. Harry Ruiz Lorenzo lll, commander ng MPD-Station 7, bandang 1 ng hapon nang isagawa ang buy-bust sa tabi ng Centroil Gas Station sa Juan Luna St., malapit sa panulukan ng Hermosa Street, sakop ng Bgy.194 sa Tondo.

Pinangunahan ni PLt. Joan Dorado, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), ang isinagawang buy-bust, kasama sina PCpl. Arvic Valdez at P/Cpl. Richmond Morales na nagkunwaring buyer ng shabu.

Matapos na maiabot ang droga kapalit ng minarkahang pera, dito na inaresto ang mga suspek at di na nagawang makatakas pa.

Sa imbentaryong isinagawa ng MPD-SDEU, nakarekober ang 750 hanggang 800 gramong hinihinalang shabu na may halagang P5,440,000.

Naging matagumpay ang drug operation ng mga tauhan ni Lorenzo na pinuri ni MPD Director, Brigadier General Leo “Paco” Francisco.

Kasabay nito sinabi pa ni Francisco na magdoble ingat sa mga operations lalo na pagdating sa droga upang walang masamang mangyari sa mga kapulisan at wag tumigil sa paghuli ng mga kriminal at panatilihin ang kaayusan at katahimikan sa kanilang mga area of responsibility.

Sina Raymundo at Justiniani ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Section 5 at 11, na walang inilaang piyansa, habang sina Ortilano at Ong ay nahaharap din sa kasong paglabag sa Section 11 na may piyansang inilaan ang korte, ayon kay P/Cpl. Remedios Cruz, may hawak ng kaso. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE