Default Thumbnail

3 tiklo sa P448K shabu sa Caloocan

March 31, 2022 Edd Reyes 410 views

HULI sa akto ng pakikipag-transaksiyon ng iligal na droga ang tatlong kalalakihan, Huwebes ng madaling araw sa Caloocan City.

Nakumpiska ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Samuel Mina ang P448,800 na halaga ng shabu sa mga suspek na kinilalang sina Charlie Cortez alyas “Charles”, 31, ng Kawayan Street, Saint Dominic Subdivision, Deparo Bgy. 168; June Christian Rivera, 27, ng De Gracia Drive, Deparo; at Glenn Batucan, 35, ng Saint Dominic Subdivision.

Sa ulat ni Col. Mina kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo, Jr., nagsasagawa ng “Oplan Galugad” ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station-7 sa lugar na sakop ng Bgy. 167 nang lapitan sila ng isang residente sa lugar dakong alas-12:10 ng madaling araw upang ipabigay alam ang nagaganap na pakikipag-transaksiyon ng iligal na droga ng isang alyas “Charles” sa kahabaan ng Bernardo Avenue, Silanganan Subdivision ng Bgy. 167.

Inilarawan ng naturang residente sa lugar ang alyas Charles na nakasuot ng pulang t-shirt at itim na short pants na nagbebenta ng iligal na droga sa tabi ng kanyang pulang motorsiklo kaya’t noon din ay kaagad na nagtungo sa nasabing lugar ang kapulisan at palihim na tiniktikan ang sinasabing nagaganap na iligal na transaksiyon.

Dito na nila nahuli sa akto ang suspek na si Cortez o “Charles” na tumutugma sa ibinigay na deskripsiyon ng residente sa lugar habang iniaabot sa dalawa niyang ka-transaksiyon ang tatlong piraso ng plastic sachet ng shabu kaya’t kaagad na nilang dinakma ang mga suspek.

Ayon kay Col. Mina, tinatayang tumitimbang ng humigit-kumulang sa 66.0 gramo ang nakumpiskang shabu sa mga suspek na kanilang dinala sa NPD Crime Laboratory para isailalim sa chemical analysis.

Ipiprisinta naman ng pulisya sa Caloocan City Prosecutor’s Office ang tatlong suspek para sa inquest proceedings kaugnay sa kasong paglabag sa R.A. 9165 na kanilang kakaharapin.

AUTHOR PROFILE