Default Thumbnail

3 NPA rebels todas, 4 sundalo sugatan sa NegOc encounter

February 22, 2024 Zaida I. Delos Reyes 95 views

TATLONG miyembro ng New People’s Army (NPA) ang patay at apat na sundalo ang sugatan sa bakbakan sa Escalante City, Negros Occidental noong Miyerkules at Huwebes.

Batay sa report ng Philippine Army, nagsimula ang bakbakan sa bulubunduking lugar ng Escalante sa Sitio Mansulao, Brgy. Pinapugasan.

Nakasagupa ng tropa ng mga tauhan ng 79th Infantry Battalion ang mga miyembro ng nabuwag na Northern Negros Front (NNF).

Kinilala ang mga nasawing rebelde sa mga alyas na Michael, Jose at Jandy. Nasawi sila sa simula ng bakbakan noong Miyerkules dakong alas-11:00 ng umaga.

Sa ulat, naka-engkwentro ng militar ang walong rebelde na unang naiulat na nanghihingi ng pera at pagkain sa mga residente sa lugar.

Matapos ang tatlong oras muling nagkasagupa ang mga rebelde at mga sundalo at muling naulit Huwebes ng umaga dakong alas-6:00 ng umaga.

Nakuha sa unang bakbakan ang isang AK-47 rifle, M653 rifle, caliber .45 pistol, rifle grenades, landmine at iba’t-ibang mobile phones at handheld radios.