Parish

3 Kings Parish sa Gapan minor basilica na

January 28, 2024 Steve A. Gosuico 175 views

GAPAN CITY–Idineklara ni Pope Francis na “Minor Basilica” ang Three Kings Parish na mas kilala na National Shrine of La Virgen Divina Pastora sa syudad na ito.

Inihayag ni Cabanatuan City Bishop Sofronio A. Bancud sa kanyang pastoral letter ang pagtatalaga ng Santo Papa sa centuries-old na simbahan bilang kauna-unahang Minor Basilica sa Nueva Ecija.

Bilang basilica minore, itinuturing ang simbahan na may kaugnayan sa Papa at sa simbahan ng Roma at isang halimbawa sa liturgical at pastoral na aksyon sa diyosesis.

“Gaganapin ang taimtim na pagdiriwang ng pagkakaloob ng titulo ng Basilica sa Abril 26, 2024 sa ganap na alas-9:00 ng umaga,” ani Bishop Bancud.

Kasabay ang pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo ng canonical coronation ng imahe ng La Virgen Divina Pastora at ang ika-38 anibersaryo ng deklarasyon ng simbahan bilang isang pambansang dambana.

Ayon kay Parish Priest Rev. Fr. Aldrin Domingo, bunga ang natamo nitong pagkilala ng paglalahad ng kanilang karaniwang pananampalataya sa mahabang panahon.

Ikinatuwa ni Mayor Emary Joy D. Pascual ang deklarasyon ng simbahan bilang minor basilica.

“Nakakaiyak sa tuwa. Maraming salamat sa Panginoon, napakinggan ang ating panalangin!”

“Bilang isang batang Gapan at mayor ng Gapan binabati ko po ang lahat ng mga taong naghihirap at tumulong lalo na kay Fr. Aldrin Domingo para maging kauna-unahang Minor Basilica ang National Shrine of La Virgen Divina Pastora, Three Kings Parish, Gapan City sa buong Nueva Ecija,” dagdag ng alkalde.

AUTHOR PROFILE