Suspect Inaresto ng Manila Police District Station 11 sa pamumuno ni P/Capt. Fredwin Sernio ang 27-anyos na tricycle driver na si Kenneth Torion y Makilalo ng Road 10, Marcos Highway, Tondo, matapos naisilbi ang kanyang warrant of arrest sa kasong frustrated murder. Kuha ni JON-JON REYES

2 top MWP dahil sa carnapping, frustrated murder inaresto ng MPD

June 11, 2022 Jonjon Reyes 687 views

MAGKASUNOD na inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station 11 sa Binondo, Manila, katuwang ang puwersa ng Regional Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office, ang dalawang most wanted sa station level nitong Biyernes.

Unang naiulat ang pag-aresto kay Mark Joseph Nepomuceno y Santos, 31 anyos, binata at residente ng 604 Coral St., Tondo sa loob ng Quezon City Jail.

Si Nepomuceno ay nasa top 3 most wanted person (MWP) sa Malabon City. Bandang 4:00 ng hapon nang i-serve ang kanyang arrest warrant sa naturang bilanguan.

Ayon sa ulat nina P/Capt. Fredwin Sernio at P/Capt. Joselito Delos Reyes ng MPD Station 11-Warrant Section, sa puwersa ng 4th MFC-RMPB, na pinangunahan ni P/Major Ronilo Aquino, dala nila ang arrest warrant na inisyu ni Anna Michella Cruz Atanacio-Veluz, ang presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 169 sa Malabon City, dahil sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10883, o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.

Kanilang sinerve ang arrest warrant sa loob ng piitan nitong Hunyo 10.

Samantala, isang 27-anyos naman na tricycle driver ang inaresto ng mga kapulisan ng MPD Station 11. Ang suspek ay nakilalang si Kenneth Torion y Makilalo, binata at nakatira sa Road 10, Marcos Highway, Tondo.

Pasado alas 10:30 naman ng umaga ng Biyernes nang arestuhin si Torion sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Ana Narleah Malayas Bonifacio-Cruz, ang presiding judge ng RTC Branch 173 ng Manila, dahil sa kasong frustrated murder.

Ang dalawang suspek ay pawang nasa listahan ng MWP at nasa No. 2 at 3 ng station level dahil sa mga kasong carnapping at frustrated murder.

Ayon kay PLt. Col. Magno Gallora Jr., commander ng MPD Station 11 sa Binondo, hindi sila titigil sa pagpapatupad ng batas laban sa mga kriminal.

Kapag ang isang kriminal ay nakagawa ng krimen sa kanilang area of responsibility, kahit saan siya magtago ay hahanapin siya para panagutan ang ginawang kasalanan, ani Gallora.

Nagpaabot naman ng pagbati at pasasalamat si MPD Director PBGen. Leo ‘Paco’ Francisco sa kasipagan nina Gallora, Sernio at Delos Reyes ng MPD Station 11 at sa puwersa ng 4th MFC-RMPB.

AUTHOR PROFILE