Homeowners group prexy dedo sa ambush

June 10, 2022 Melnie Ragasa-limena 142 views

PINAGBABARIL hanggang sa mamatay ang pangulo ng Homeowners Association ilang metro mula sa kaniyang tahanan sa Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.

Ang biktima ay nakikilalang si Bryan Perez Lampa, 49, tubong Cebu, homeowners president at naninirahan sa No 254 San Rafael St., Brgy Old Balara, Quezon City.

Sa report ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 4:47 p.m. (June 9), nang maganap ang insidente sa San Rafael St., Brgy Old Balara, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PMSg Jonathan Lugo, mamimili sana umano ang biktima ng kaniyang mga paninda nang sumulpot ang isang ‘di kilalang lalaki na nakasuot ng maong na jacket at malapitang itong binaril sa likuran.

Nang makitang duguan nang nakabulagta ang biktima ay kaswal lamang na naglakad ang salarin papalayo sa pinangyarihan ng krimen.

Agad namang isinugod ng kaniyang pamilya ang biktima sa Diliman Doctors Hospital subaling idineklara na itong dead on arrival bandang 5:16 ng hapon ng attending physician na si Dr. Michelle Mendoza.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at kinuha na nila ang CCTV footage na nakakabit malapit sa crime scene upang matukoy ang salarin.